Nagtala ang Singapore ng pinakamalaking bilang ng mga Pinoy na nakibahagi sa Overseas Absentee Voting (OAV) na nagsimula nitong Abril 9, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Commissioner Arthur Lim, chairman ng Comelec Office for Overseas Voting (OFOV), na may 1,200 Pinoy sa Singapore ang bumoto.
Hindi tulad ng unang araw ng botohan, maliliit na aberya na lang ang iniulat ng tatlong embahada ng Pilipinas sa ikalawang araw ng OAV nitong Linggo.
Unang naiulat na pumalpak ang mga vote counting machine sa Hong Kong, Dubai at Riyadh sa unang araw ng botohan.
Subalit tiniyak ni Lim na nireresolba na nila ang sitwasyon upang maiwasan itong maulit habang nagpapatuloy ang botohan hanggang sa Mayo 9.
“To avoid interruption in voting, the voters in the precincts concerned will be allowed to cast/feed their ballots in the adjoining precincts, where the rest of the VCMs are operating normally,” saad sa text message ni Lim.
Sinabi rin ni Lim na nagdesisyon ang Comelec na gamitin ang sistema ng mixed voting sa 17 embahada upang makapili ang mga botante kung sa koreo ipadadala ang kanilang boto o personal na magtungo sa voting center.
Ipatutupad ito sa Tokyo, Osaka, Seoul, Singapore, Rome, Milan, London, Madrid, Ottawa, Toronto, Vancouver, Washington, Agana, Chicago, Los Angeles, New York, at San Francisco. (Leslie Ann G. Aquino)