Nasa malubhang kalagayan ang isang binata matapos tamaan ng ligaw na bala habang nagpipintura ng kanyang motorsiklo sa Malabon City, noong Sabado ng hapon.

Ginagamot sa Tondo Medical Center si John Jerico Liquid, 21, ng No. 27-3 M.H. Del Pilar, Barangay Maysilo ng nasabing lungsod, sanhi ng tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan.

Sa report ni SPO4 Ferdinand Espiritu, bandang 4:00 ng hapon at abala sa pagpipintura ng kanyang motorsiklo ang binata sa labas ng kanilang bahay.

Makalipas ang ilang sandali, nakita na lang ng kanyang mga kaanak na duguang humandusay si Liquid.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Mabilis na dinala sa nasabing pagamutan ang biktima at dito na napag-alaman na tinamaan siya ng stray bullet.

Wala pang ideya ang mga pulis kung saan nagmula ang putok ng baril at hanggang dalhin sa ospital ang biktima ay nasa katawan pa rin nito ang bala. - Orly L. Barcala