Patay ang isang lalaking kalalaya lang sa bilangguan makaraang barilin ng hindi kilalang suspek sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Rafael Obleya, nasa hustong gulang, dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat na tinanggap ni Pasay City Police chief, Senior Supt. Joel Doria, pasado 8:00 ng gabi at naglalakad ang biktima sa Area B ng Barangay 157, Zone 16 nang sumulpot at paputukan siya nang sunud-sunod ng hindi kilalang salarin.
Agad tumakas ang suspek bitbit ang hindi pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa krimen matapos matiyak na patay na ang kanyang target.
Lumitaw sa imbestigasyon na nitong Abril 1 lang nakalaya sa piitan si Obleya dahil sa kasong illegal gambling.
Sinasabing si Obleya ay nasangkot din sa serye ng panghoholdap sa lungsod.
Nagsasagawa ng pagsisiyasat ang awtoridad kaugnay ng motibo sa pamamaslang sa biktima. - Bella Gamotea