Pitong katao, kabilang ang isang dalagita, ang inaresto ng pulisya makaraang salakayin ang isang pinaghihinalaang drug den sa ilalim ng Delpan Bridge sa Binondo, Maynila, nitong Huwebes ng gabi.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng mga operatiba ng Manila Police District-Meisic Station ang bahay ng isang Dennis Monggay sa 565 Muelle Dela Industriya Street, Binondo.

Limang lalaki at dalawang babae ang dinampot ng mga operatiba makaraang maaktuhang bumabatak ng shabu. Tumanggi naman ang MPD na pangalanan ang pitong naaresto.

Itinanggi umano ng pito na gumagamit sila ng shabu at hindi rin umano nila kilala sa Monggay.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

Nabawi ng pulisya mula sa mga suspek ang pitong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P3,000, isang .38 caliber revolver, at apat na bala.

Hindi naman natagpuan ng pulisya si Monggay, na itinuturong tulak ng shabu sa kanilang lugar.

(Argyll Cyrus B. Geducos)