HANGGANG ngayon ay patuloy pa rin ang halos linggu-linggong paggalugad ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Patuloy pa rin ang kanilang “pakulo” na “Oplan Galugad”. At sa tuwing magsasagawa ng paggalugad ay mayroong nakukumpiska at natutuklasang mga illegal na bagay sa loob ng selda. Kaya hind tuloy maiwasang itanong: “Epektibo nga ba ang ginagawa nilang paggalugad?”
Marami ang nagsasabi na pag-aaksaya lamang ito ng panahon at salapi. Isang paglaspag sa salapi ng bayan na dapat sana ay magamit sa ibang mas mahalagang bagay kaysa sa paggagalugad sa selda ng mga walang puso at ayaw sumunod sa batas na mga bilanggo. Wala na bang gagawin ang mga namamahala ng Pambansang Bilangguan kundi ang maggagalugad?
Noong nakaraang araw ang ika-22 beses na paggalugad sa bilangguang iyon. At may nakukumpiska pa ring mga illegal na bagay. Wala na bang katapusan ito?
Marami ang nagsasabing dapat nang itigil ang paggalugad na ito sa Pambansang Bilangguan. Na ito ay pag-aaksaya lamang ng panahon. Sa halip ay ipagpatuloy na lamang ang paggiba sa mga ilegal na istruktura sa loob ng bilangguan na pinagtataguan ng mga ilegal na bagay. Gibain ang lahat ng kubol doon na sa malas ay hindi nagiging kulungan kundi tirahan-bakasyunan ng mga VIP na bilanggo. Saan ka naman nakakita ng bilangguan kung saan ang mga bilanggo ay may sariling kubol na kumpleto sa gamit? Bilangguan ba ito o hotel?
Ang pinakamagandang paraan marahil ay ilipat ang mga VIP na bilanggo sa mga bilangguan sa probinsiya, sa Iwahig halimbawa. O kaya ay magpatayo ng bilangguan sa Mindanao kung saan malapit ang pinagkukutaan ng mga Abu Sayyaf. Kung hindi sila natatakot sa mga guwardiya ng pamahalaan, baka matakot sila sa mga mangingidnap at pugot-ulong mga bandido roon.
Imbestigahan na rin ang mga guwardiya ng bilibid na maliwanag na kasabwat ng mga bilanggo at kapag napatunayang nakikipagsabwatan sa mga ito ay ikulong na rin at dalhin sa mga bilangguan sa Mindanao.
Iyon ang tamang solusyon sa mainit na problemang ito. (Rod Salandanan)