Inihayag sa publiko ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na naglabas na raw sila ng subpoena sa mga indibidwal na may kaugnayan sa naging pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga awtoridad noong madaling-araw ng Mayo 14, 2026.
Ani Matibag, naisyuhan na raw nila ng subpoena ang tito ni Sen. Robin Padilla na si Virgilio Carino, kaniyang deputy chief of staff na si Jean Robles, nasuspideng si Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, at Pasay City Police Chief Joselito de Sesto.
Matatandaang batay sa impormasyong nakalap ng kapulisan mula nakumpiska nila CCTV footage ng Senado, bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14 lumabas ng Senado si Dela Rosa at sumakay sa isang Fortuner na puti na pagmamay-ari ni Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
Sa naging pahayag naman ni Matibag sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hunyo 1, sinabi niyang patuloy pa rin ang paghahanap nila sa nagtatagong si Dela Rosa at nakapaglabas na sila ng subpoena para sa mga nabanggit ng personalidad.
“Sen. Bato, ganoon pa rin. Everyday naman we have a tracking team to locate him and effect the arrest. But ‘yong subpoena, meron na kaming mga inisyuhan to the personalities na nakita talaga namin na nakasama niya before siya nawala,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “I think various subpoena na ‘yong na-issue, e. Si Gen. Aplasca, ‘yong si Jean Robles, the Chief of Police at Pasay City, and there’s another one na personality natin. Tito yata ni Robin Padilla. ‘Yong aide ni Sen. Padilla and ‘yong tito ni Sen. Padilla. Siya ‘yong nandoon sa itim na pickup, e.”
Pagtitiyak ni Matibag, inaasahan daw nila na sasagot sa kanila ang mga nabanggit na indibidwal sa loob din ng linggong ito at hindi raw nila kinokonsidera bilang suspek ang asawa ni Dela Rosa.
“This week kasi we given the enough opportunities… We are not considering the wife of Sen. Bato na suspect or anything,” aniya.
Paliwanag niya, hindi naman daw laging ibig sabihin na akusado na isang tao kapag naisyuhan sila ng subpoena dahil pagkakataon din daw nila ito para magbigay liwanag sa naturang isyu.
“Hindi kasi may subpoena dahil automatic akusado ka. Kaya kayo sinu-subpoena, you can shed light on a matter. So matatanong ka,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Matibag, huwag daw matakot ang publiko at mga indibidwal sa kapag nabigyan sila ng subpoena dahil maaari daw maging testigo lang ang mga ito.
“Kapag naka-receive tayo ng subpoena sa NBI, huwag po tayong matakot na iisipin n’yo kaagad na akusado kayo. You’re being subpoenaed probably as a witness who can give something to shed light on a matter,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas ang mga nabanggit na indibidwal kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: NBI, isisilbi arrest warrant kung maglabas Sandiganbayan vs Sen. Bato!