Inilahad sa publiko ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na wala raw silang ibang magagawa kundi isilbi ang arrest warrant laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sakali mang opisyal na maglabas nito ang Sandiganbayan.
Sa naging pahayag ni Matibag sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hunyo 1, 2026, sinabi niyang mandato ng kanilang ahensya na isilbi ang isang arrest warrant na inilalabas ng Korte hanggang legal at balido raw ito.
“Well, kung nandiyan ‘yong warrant, ano bang mandate ng NBI? We have no choice but to enforce the warrant of arrest,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “As long as the warrant is valid and legal, we will enforce the warrant of arrest.”
Ani Matibag, nakatitiyak naman daw siya na hindi magiging problema ang pagtugis kay Dela Rosa kahit isailalim pa ito sa protective custody ng Senado dahil lokal na Korte na raw ang Sandiganbayan, kagaya na rin ng naging pagtugis ng mga awtoridad noon kina dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV at kasalukuyang Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima.
“I think it [has] already been settled. Kasi si Sen. De Lima, si Sen. Trillanes, noon ‘di ba? At sila na rin ang nagsabi during the conversation namin noong May 11 na hindi raw local court. This time, the Sandiganbayan is a local court,” aniya.
Pagpapatuloy ni Matibag, ang Senado na rin daw mismo ang kakain sa kanilang salita sakali mang protektahan pa nila si Dela Rosa kapag naglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan.
“So effectively they already surrender kapag local court wala silang kuwestiyon. And I’m sure they will not put him in protective custody because otherwise they are the ones defying kung ano ‘yong kanilang position noon pa man,” pagtatapos niya.
Samantala, wala pa namang opisyal na inilalabas na warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Dela Rosa.
Matatandaang opisyal na inanunsyo sa publiko ng International Criminal Court (ICC) ang inisyu nilang warrant of arrest kay Dela Rosa noong Mayo 11, 2026, nang muli magpakita ang huli sa mata ng publiko matapos ang humigit-kumulang anim na buwang hindi pagpasok sa Senado mula noong Nobyembre 2025.
Sinubukan pang isilbi ng mga ahensya ng NBI ang arrest warrant ng ICC laban kay Dela Rosa ngunit bigo silang maisakatuparan ang kanilang misyon dahil matagumpay na nakaalis ng Senado ang naturang senador noong madaling-araw ng Mayo 14.
KAUGNAY NA BALITA: Lalaking nangikil kapalit ng lokasyon ni Sen. Bato, ginamit lang daw ng pulis!
KAUGNAY NA BALITA: Subpoena sa misis ni Sen. Bato, minamatahan ng NBI!