May 30, 2026

Home BALITA National

Lalaking nangikil kapalit ng lokasyon ni Sen. Bato, ginamit lang daw ng pulis!

Lalaking nangikil kapalit ng lokasyon ni Sen. Bato, ginamit lang daw ng pulis!
Photo courtesy: NBI (FB)

Inilahad sa publiko ng lalaking nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) na ginamit lang daw siya ng isang pulis para manloko bilang kasapi ng naturang ahensya at mangikil ng salapi kapalit ng kinaroroonan at lokasyon ng nagtatagong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. 

Matatandaang kasalukuyan pa ring tinutugis ng mga awtoridad si Dela Rosa magmula nang makaalis siya sa Senado madaling-araw noong Mayo 14, 2026, sa kabila ng nakaambang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya. 

Base sa impormasyong nalikom ng kapulisan sa nakolekta nilang CCTV footage sa Senado, bandang 2:30 ng madaling-araw noong Mayo 14 nakasakay sa isang Fortuner na puti si Dela Rosa na nakarehistro sa pangalan ng kapuwa niya senador na si Sen. Robin Padilla. 

Ayon sa isinagawang press conference ng NBI nitong Biyernes, Mayo 29, sinabi nilang inaresto nila ang isang indibidwal sa Novaliches, Quezon City, noong Mayo 19, dahil sa umano’y pagtatangka nitong magpakilala bilang kasapi ng kanilang ahensya at mangikil ng pera kapalit ng mga false lead sa kinaroroonan ni Dela Rosa. 

Ani NBI Director Atty. Melvin Matibag, nagawa pa raw tumawag ng suspek kay Executive Secretary (ES) Ralph Recto para sabihin ang naturang pinapakalat na maling impormasyon. 

National

BFP, nagbabala sa pagkalat ng kanilang AI-generated photos

“Let this be a warning doon sa mga tao na who wants to help kunwari na magbibigay ng lead kung [nasaan] si Sen. Bato o kung sino pa man na target natin ng arrest,” ani Matibag.

“Baka mauna pa kayo kay Sen. Bato [na] mahuli kung ganyan ang ginagawa n’yo,” babala ni Matibag.

Sa naging pahayag naman ng lalaking natiklo ng NBI nito ring Biyernes, sinabi niyang nagbigay na raw siya ng affidavit sa mga kinauukulan upang doon ipuga ang pulis na umano’y gumamit sa kaniya. 

“Wala po. Nag-file na po ako ng affidavit para po doon sa utak na malaking tao,” pagsisimula ng suspek. 

Samantala, hindi naman na nagbigay pa ng karagdagang impormasyon ang lalaki at sinabi niyang ang abogado na lang daw niya ang usisain ng publiko.

“Sa abogado ko na lang po kayo magtanong,” aniya. 

Pahabol pa ng suspek, pulis daw ang utak sa likod ng pagtatangka nilang mangikil sa NBI ngunit hindi raw mataas ang rango nito. 

“Hindi naman po higher rank pero pulis din po siya,” pagtatapos pa niya. 

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang manhunt operation ng mga awtoridad kay Dela Rosa at hindi pa muling namamataan ng publiko ang presensya ng senador magmula noong maalis ito sa Senado noong Mayo 14. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Pabuya' sa pagtugis kay Sen. Bato, ikinokonsidera ng DILG!

KAUGNAY NA BALITA: PNP, kukumpiskahin mga baril kung 'di isusuko ni Sen. Bato!