Iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na maaari daw nilang ikasa ang pagbibigay ng pabuya para sa kaung sinoman ang maaaring makapagturo sa kinaroroonan ng nagtatagong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa panayam sa media ni Remulla nitong Miyerkules, Mayo 29, 2026, nilinaw ni Remulla na bagama’t maaaring ikonsidera ang reward system sa manhunt operation laban sa senador, iginiit naman niyang hindi pa raw nila ito ikakasa.
"Puwede, considering that, but apparently it's not effective yet," anang DILG Secretary.
Saad pa ni Remulla, sapat daw ang bilang ng kapulisan upang maaresto si Dela Rosa.
"We haved 7,467 islands. We have 225,000 policemen. We're disposing all of our resources para mahanap siya. You have to understand hindi madali ito. We have 40,000 plus barangays to search," paliwanag ni Remulla.
Kaugnay nito, umapela rin si Remulla kay Dela Rosa na sumuko na siya at nakahanda ring igalang ng mga awtoridad ang kaniyang karapatan.
"Please surrender. Gagalangin ka namin. Your rights will be observed," giit ni Remulla.
Subalit, nag-iwan din ng babala ang kalihim laban kay Dela Rosa.
"But, huwag na natin patagalin ito kasi baka umuwi pa ito sa hindi mo gusto," aniya pa.
Hirit pa niya, "So mabuti na mag-surrender ka na. We will treat you as an officer and a gentleman and we will follow all due process para sa'yo."
Matatandaang kasalukuyang nagtatago si Dela Rosa matapos tuluyang ibasura ng Supreme Court (SC) ang inihain niyang temporary restraining order (TRO) laban sa arrest warrant sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).
MAKI-BALITA: Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'
Si Dela Rosa ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng pagiging co-perpetrator niya sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyon noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.