Patay ang isang 32-anyos na ginang matapos pagtatagain ng kanyang mister dahil sa matinding selos at nauwi rin sa tangkang pagpapakamatay ng huli sa Valenzuela City, nitong Martes ng gabi.

Ayon kay SPO2 Lorena H. Hernandez, namatay habang nilalapatan ng lunas sa Fatima Medical Center si Maricel Tan, ng No. 8 Tampoy 11, Barangay Marulas ng nasabing lungsod, dahil sa natamong taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang kritikal naman, ayon sa pulisya, sa Valenzuela City Medical Center ang suspek na si Richard Sison, 32, tricycle driver, ng Alberto St., Fortune 1, Brgy. Gen. T. De Leon, matapos saksakin ang sarili gamit ang bolo na tumagos umano sa bituka nito.

Ayon kina Police Officer 2 Joan H. De Leon at Jennifer C. Pallattao ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), dakong 8:30 ng gabi, nanonood ng telebisyon sa kanilang tahanan si Maricel kasama ang dalawang anak at pamangkin nang pinaghahampas at sinipa ni Richard ang pintuan ng bahay habang hawak ang bolo.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Bunsod ng matinding galit, walang sabi-sabing pinagsasaksak ni Sison ang asawa, at agad-agad itong tumakas.

Humingi ng tulong sa mga kapit-bahay ang mga kaanak ni Maricel at isinugod ito sa nasabing pagamutan, pero binawian din ng buhay.

Nang puntahan ng mga pulis ang bahay ni Richard para siya ay arestuhin, napag-alaman ng mga ito na nasa ospital na rin ang suspek dahil nagsaksak sa sarili.

Nabatid na apat ng buwan nang hiwalay sina Richard at Maricel at nagseselos umano ang una dahil may manliligaw na ang dating asawa. (Orly L. Barcala)