Isang rider ang namatay habang kritikal naman ang kaangkas niyang babae, matapos banggain ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isa pang motorsiklo sa Caloocan City, nitong Sabado ng hapon.

Nasawi si Francis Pinto dahil sa pagkakabagok ng ulo habang sugatan ang angkas niyang si Zenaida Francisco, na nagtamo ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Si Francisco ay isinugod sa Mercury Institute Hospital, ayon sa pulisya.

Base sa report, dakong 3:00 ng hapon nitong Sabado, magkaangkas ang dalawang biktima sa isang Kawasaki Barako motorcycle na minamaneho ni Pinto nang bigla silang salpukin ng isa pang motorsiklo sa tapat ng North Caloocan City Medical Center sa Barangay 177, Camarin.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Kinilala ng pulisya ang rider ng isa pang motorsiklo na si Christopher Berina.

Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon nang ilang metro sina Pinto at Francisco mula sa kanilang motorsiklo, na sumadsad at tumama sa bangketa.

Kusa namang sumuko si Berina na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and serious physical injuries at damage to property. - Orly L. Barcala