Kinuwestiyon ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System (JCOC-AES) ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na bumili ng 100,000 gunting na gagamitin sa pagputol sa voter’s receipt na lalabas mula sa mga vote counting machine (VCM).

Ayon kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, JCOC-AES co-chairman, malaking gastusin para sa gobyerno ang pagbili ng 100,000 gunting dahil bukod dito, babayaran pa ang renta sa mga VCM na wala namang kakayahang putulin ang thermal paper para sa resibo.

Ang bawat isa sa first batch ng 23,000 VCM ay babayaran ng gobyerno ng P38,000, at lolobo pa ito sa P48,000 para sa 70,000 unit sa second batch.

Aniya, karaniwang nagkakahalaga ang bawat gunting ng P10-P12 o may kabuuang P1 milyon para sa 100,000 piraso.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Sa pagdinig ng JCOC nitong Miyerkules kaugnay ng preparasyon ng Comelec para sa halalan sa Mayo 9, iginiit ng mga opisyal ng ahensiya na kailangang gumamit ng gunting upang maiwasang maipit ang papel na ipapasok sa VCM na maaari ring pagmulan ng pagkakaantala ng botohan.

Una nang inihayag ng Comelec na sisimulan na nito ang bidding para sa supply ng thermal paper na isusubo sa mga VCM, para maglabas ng voter’s receipt. (Mario B. Casayuran)