Limang sundalo at dalawang sibilyan ang nasugatan sa magkahiwalay na pambobomba umano ng New People’s Army (NPA) sa Bicol, ayon sa ulat ng militar.

Sinabi ni Lt. Col. Angelo Guzman, tagapagsalita ng Southern Luzon Command (Solcom), na kabilang sa sugatan ang isang junior officer na nakilalang si 2LT. Jonathan O. Baay, ng 31st Infantry Battalion.

Ayon kay Guzman, nagtamo ng mga shrapnel wound si Baay matapos pasabugin ng mga NPA ang isang improvised explosive device na sinundan ng limang minutong bakbakan ng magkabilang panig sa Gubat, Sorsogon dakong 10:15 ng umaga nitong Sabado.

Sa Labo, Camarines Norte, apat na sundalo at dalawang sibilyan ang nasugatan matapos masabugan ng IED ang isang military truck dakong 8:30 ng umaga kahapon.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Napag-alaman na sakay ang mga biktima sa isang KM-450 military truck na patungo sana sa Labo Public market nang sumabog ang isang IED sa ilalim ng sasakyan sa Mahawan-hawan Road.

Ang mga sugatang sundalo ay kinabibilangan nina Cpl. Reynaldo V. Rivera, Pfc. Ricky R. Obina, Pfc. Rodelio D. Urbano Jr. at Pfc Carlo Z. Duriza.

Hindi naman pinangalanan sa military report ang dalawang nasugatang sibilyan dahil sa isyu ng seguridad. - Elena Aben