Binuweltahan ng kampo ni Vice President Jejomar C. Binay ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) matapos umano itong malusutan sa $81 million na hinuthot sa Bank of Bangladesh at isinalin sa isang bangko sa Pilipinas sa pamamagitan ng hacking.

Ito ang banat ni Navotas City Rep. Tobias “Toby” Tiangco, pangulo ng United Nationalist Alliance (UNA), laban sa AMLC na umano’y gigil na gigil na wasakin ang kredibilidad ni Binay, standard bearer ng UNA, sa paglalabas ng mga ulat hinggil sa umano’y hidden wealth ng bise presidente.

“The AMLC has devoted much of its precious time looking for imaginary anomalies committed by the Vice President that it was unable to recognize an actual robbery happening right under their noses,” pahayag ni Tiangco.

Posibleng isa sa pinakamalaking cyber heist sa buong mundo, iniimbestigahan ng Senado ang pagdeposito sa isang sangay ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) ng mahigit $81 million na umano’y nakulimbat ng isang hacker mula sa Bank of Bangladesh.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

“The AMLC was so busy being a tool for political persecution and harassment in the guise of running after the corrupt. They may as well have welcomed these thieves with open arms,” dagdag ni Tiangco.

Kamakailan, iniulat sa isang pahayagan na lumitaw sa isang umano’y AMLC report na nakatanggap si Binay ng bilyong pisong komisyon mula sa maanomalyang kontrata sa pagtatayo ng mga gusali sa Makati City noong alkalde pa siya ng siyudad.

“May inilabas na naman na supposedly AMLC report pero wala namang ipinapakitang AMLC report... ni hindi nagko-quote ng kahit sinong tao galing sa AMLC na nagsasabi ng ganito. It’s a story na AMLC sources, AMLC report,” banat ng UNA official. (Ellson A. Quismorio)