KARLA copy

MULA sa aming source, nalaman namin na apat na programa ang nakapaloob sa 2-year contract ni Karla Estrada sa ABS-CBN at dalawa na ang existing.

Una ang “Tawag ng Tanghalan” segment sa It’s Showtime na isa siya sa mga hurado kasama sina Direk Bobot Mortiz, Nyoy Volante, Mitoy Yonting, Karylle, Yeng Constantino, at Rey Valera. Pangalawa ang itini-taping nang comedy show nila ni Bayani Agbayani na ipalalabas sa Cine Mo ‘To sa Sky Cable Channel 4.

On the works pa raw ang natitirang dalawang programa na ang isa ay posibleng game show. Hindi binanggit ang travel show na ayon kay Karla ay pinapangarap niya.

Balitang Pag-Ibig

National Boyfriend Day? Ilang viral wedding proposals na inulan ng Sana-all!

Parang nasa alapaap pa si Karla nang pumirma ng kontrata sa ABS-CBN. Napakabilis daw ng mga pangyayari sa kanya simula nang sumali siya sa Your Face Sounds Familiar.

“Gusto ko lang naman talagang mag-enjoy kasi tawang-tawa sa akin ‘yung mga tao, sa totoong buhay ganito kasi talaga ako. Kapag nakausap n’yo ‘yung mga kaibigan ko nu’ng araw pa, tawang-tawa talaga sila kasi ganito talaga ako, masayahin lang ako, so hindi ko alam na nakita na pala ‘yun ng network ko na the uniqueness side of me.

“May uniqueness silang nakita kaya sabi ko, eh, bakit hindi kung nakakapagpasaya, sige po (nang alukin siya ng kontrata),” kuwento ni Karla nang humarap sa presscon para sa kanyang Her Highness: The Queen Mother In Concert.

For the nth time, muling tinanong si Karla kung may offer na talk show sa kanya na ipapalit sa timeslot na babakantehin ng KrisTV. At kung pangarap ba niyang magkaroon ng ganoong programa.

“Hindi ko ito pangarap kasi sobrang mahiyain ako. Ganito lang naman ako, maingay lang ako, pero wala ako ‘yung ganyan… siguro dahil din sa nagre-require ‘yun ng malalim na pinag-aralan. Ibig kong sabihin, kung ano lang ‘yung kaya kong gawin at ang kaya kong gawin ay patawanin at magbigay ng saya talaga.

“Marami rin naman akong alam na pupuwedeng hindi rin alam ng iba, but definitely, hindi ako narito para palitan ang isang show, wala akong ganu’n. Tapusin na natin ‘yung kay Mareng Kris (Aquino) kasi nakakatawa at nakakahiya sa kanya. Ang layu-layo at napakatalino ng babaeng iyon,” paliwanag ni Karla.

Travel show talaga ang pangarap niya.

“Gusto kong puntahan ang lahat ng sulok ng Pilipinas kasi ang dami pang hindi natin nalilibot, gusto ko ‘yung super-masa, affordable na makaka-discover na puwede kang mag-overnight ng dalawang piso lang, ‘tapos ang kakainin mo mga kwek-kwek kasi mas masaya ako sa ganu’n,” say ng tinataguriang Queen Mother.

Binanggit ba niya ito sa ABS-CBN?

“Hindi pa, hayan narinig na nila, ha-ha. Pero, di ba, minsan sila ‘yung nakakakita ng mas malaking view, so ako naman, ‘yun lang ang gusto ko. Pero kung ano naman ‘yung ibigay sa akin, definitely para iyon sa ikabubuti ko,” pahayag ng singer/aktres.

Seryoso ba siyang gumawa ng spoof ang Darna -- na Barna tulad ng sinulat namin kamakailan?

“Naku, si Viceral (Vice Ganda) ang nagbigay sa akin na Darna na si Barney, oo, di ba, nakakatawa di ba? Sana iwasan lang natin ulit ang paglilipad, iwasan natin ang mga crash landing. So, oo, nakakatuwa ‘yun. Kaya imbes na bato, siopao, pagkain ang isusubo. Kaya I think hindi na ako magdi-Ding kasi baka iyon ang isubo ko, ‘yung bata. Gusto ko ‘yung Barna,” natatawang sabi ni Karla.

Samantala, tinanggihan pala niya nang ialok sa kanya ang Her Highness: Queen Mother In Concert dahil kabado siya.

“Sabi ko, ayaw ko. Sabi ko pa, ‘ano’ng nangyayari sa inyo (producers), bakit may pa-concert na ganito?’ And of course, pinakinggan ko naman sila at ang initial na reaction is hindi ako ready. Kasi mas concentrated ako sa anuman ang ibinibigay sa akin ngayon na papetiks-petiks lang. Kaya nu’ng sinabing naniniwala sila sa akin, eh, bakit naman ako hihindi pa, eh, sila nga tumaya sa akin, eh, di go,” kuwento ni Karla.

Kakanta siya ng 14-15 songs siya plus medley, pero hindi naman daw siya dire-diretsong magtatanghal dahil may guests siya.

“Kaya nga panay ang exercise ko ngayon kasi ang diaphragm natin kapag hindi napraktis, nauubusan ‘yun ng air, so may certain exercises para maging maayos ‘yung breathing mo when you sing,” kuwento niya.

May dance numbers pero hindi siya ang gagawa dahil iniiwasan daw niya ang crash landing.

“Bali ang balakang ko nu’n,” tumatawang sabi ni Karla.

Singer naman talaga si Karla at sa pagkanta-kanta kung saan-saan niya nabuhay ang mga anak niya.

Paano niya naalagaan ang boses niya gayong matagal naman siyang nawala sa showbiz?

“Hindi naman kasi ako tumigil sa pagkanta, maski na nasa bahay ako, nagpapraktis ako, ‘yung mga mahabang panahon na wala akong soap, lahat ‘yun ikinakanta ko. Kaya kung hindi man ako nakilala sa larangan ng pagkanta, iisa lang ang masasabi ko, binuhay ko ang mga anak ko sa larangan ng pagkanta,” statement ni Mother Queen.

At 41 ay wala siyang ipinababago o ipina-enhance sa mukha at katawan niya. Naniniwala siyang hindi niya kailangan sa ngayon.

Ang Her Highness: The Queen Mother In Concert na ididirihe ni Dido Camara ay mapapanood sa Kia Theater, Araneta Center sa Abril 30, produced ng Cornerstone Concerts at Aqueous Events and Smoovetimes Productions supported ng MYX, ABS-CBN Interactive.

As of now, si Vice Ganda at ang mga nakasama niya sa Your Face Sounds Familiar Season 1 ang special guest ni Karla minus Maxene Magalona na nasa Amerika sa panahon ng concert niya. (REGGEE BONOAN)