Arestado ang isang lalaki matapos siyang magnakaw ng mga kalakal sa isang tindahan sa SM Mall of Asia (MoA) sa Pasay City, at nanakot pa na may dala siyang bomba nang tangkain niyang tumakas sa mga security guard ng establisimyento.

Kinilala ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, ang suspek na si Marvin Barbieto, 34, ng Bonita Street, Barangay Bay Boulevard South, Navotas City.

Lumitaw sa imbestigasyon na naaresto si Barbieto dakong 6:15 ng gabi nitong Sabado makaraang tangayin ang P4,713.75 halaga ng paninda sa isang department store sa SM MoA.

Lalabas na sana si Barbieto nang sitahin siya ng security guard na si Nelson Refil dahil hindi niya binayaran ang mga bitbit niyang paninda.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang bitbitin ng mga sekyu si Barbieto sa Customer Relations Office (CRO) upang imbestigahan, bigla nitong inihagis ang dalang bag at sumigaw ng: “May bomba d’yan!”

Dahil dito, nataranta ang lahat ng nasa naturang tanggapan kaya nakatakbo palabas si Barbieto.

Subalit agad siyang nakorner ng iba pang sekyu sa establisimyento at inilipat sa kostudiya ng pulisya.

“Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pambili ng pagkain. Ibebenta ko dapat ‘yung mga nakuha ko,” pahayag ni Barbieto sa panayam. “Kaya lang nahuli ako.”

“Sa isip ko, kailangan ko makatakas. Kaya ayun, naisip ko takutin sila tapos pagkahagis ko ng bag, parang naguluhan sila kung anong uunahin—hulihin ako o saluhin ‘yung bag. Sinamantala ko na ‘yung pagtakas,” tumatawang kuwento ng suspek. - Martin A. Sadongdong