BAGO lumabas ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa mga naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdi-disqualify kay Sen. Grace Poe, ibinintang ng kampo ng huli na sina Mar Roxas at VP Binay ang nasa likod ng mga kasong isinampa laban sa kanya para pigilin ang kanyang kandidatura sa panguluhan. Humigit kumulang isang linggo bago ang desisyon ng Korte, sa Mandaue City, Cebu, sinabi ni Roxas na higit na makikinabang si VP Binay kapag na-disqualify si Poe. “Para sa interes ni Binay,” wika ni Roxas, “kapag pinigil ng Korte Suprema ang kandidatura ng senadora.” Totoo, ani Roxas, na may makukuha siyang boto sa mga boto para kay Poe (kung sakaling hindi pinaboran ng Korte Suprema si Poe), pero ang bulto nito ay mapupunta kay VP Binay.

Sa 15 mahistrado, 9 ang nagsabing kuwalipikado si Poe, 6 naman ang bumoto na hindi siya maaaring tumakbo. Walo lamang ang kailangan ni Poe para magpatuloy sa kandidatura, pero sumobra pa ng isa. Apat sa siyam na bumoto para kay Poe ay mga hinirang ng Pangulo. Dalawa sa mga ito, sina Justice Jardeleza at Caguiao, ang mga huling nakapasok sa Korte. Si Jardeleza ay hinirang muna ng Pangulo bilang Solicitor Genereal. Hindi nagtagal, may nagretirong mahistrado. Ang Judicial Bar Council (JBC), ayon sa patakaran, ay nagsumite ng listahan na naglalaman ng mga pangalan ng mga kandidato na kanyang inaprubahan.

Sa mga ito sana pipili ang Pangulo na kanyang hihirangin na kapalit ng nagretirong mahistrado. Pero, nang mapuna ng Palasyo na wala sa listahan ang pangalan ni Jardeleza, ipinabalik ito sa JBC. Nang maisama na ang pangalan ni Jardeleza, siya ang hinirang ng Pangulo. Si Caguioa naman, na pinuno ng presidential staff ng Pangulo, ay hinirang bilang Secretary of Justice nang magbitiw si Leila de Lima para tumakbong senador.

Sa listahang isinumite ng JBC sa Pangulo ay kasama si Caguioa, kaya tuluyan itong inihalili ng Pangulo kay Abad.

Kung na-disqualify si Poe, napakalaking bagay ito kay VP Binay. Isa sa mga pinakamaraming botante ang Region I at II. Naririto ang mga Ilokano na kung bumoto ay istilong Iglesia Ni Cristo (INC). Eh, Ilokano si VP Binay. Hindi na niya masasabi na siya lang ang taga rito nang pagpasiyahan ng Korte na kuwalipikado si Sen. Poe. Kasi, ang ama-amahan ng senadora na si Fernando Poe Jr., ay taga-Pangasinan na napakarami ring botante. Ngayon, alam na ng senadora kung sino ang nagpapa-disqualify sa kanya at kung bakit siya nanalo sa kanyang disqualification case.

(RIC VALMONTE)