LACUNA_SWIMMING_PH_NATIONAL_GAMES

LINGAYEN, Pangasinan – Tinanghal na “winningest athlete” si swimmer Mary Angelic Saavedra sa panibagong “triple gold” sa ikalawang araw ng kompetisyon sa pool, habang naitala ni Aira Teodosio ang bagong national record sa hammer throw sa athletics event ng 2016 Philippine National Games (PNG) Finals kahapon, sa Don Narciso Ramos Sports and Civic Center.

Dinomina ng 19-anyos na tubong-Zamboanga, ngunit kabilang sa Team Manila, ang 200m free sa tiyempong dalawang minuto at 20.80 segundo bago pagbidahan ang 100m back (1:19.98), at 400m Individual Medley (5:33.74) para masungkit ang kabuuang anim na gintong medalya – pinakamarami sa individual sports sa kasalukuyan – sa multi-event meet na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) bilang bahagi ng talent program ng ahensiya.

Sa unang araw ng kompetisyon, nasisid ni Saaverda, high school champion sa Ateneo de Zamboanga bago lumipat sa University of Santo Romas, ang gintong medalya sa 400m free (4:48.02), 200m back (2:43.61) at 200m fly (2:40.60).

Human-Interest

Babaeng guro sa Batanes na 'buwis-buhay' na umaakyat sa flagpole, pinarangalan

Naihagis ni Teodosio, mula sa Silay, Negros Province at iskolar sa UST, ang hammer sa layong 38.90 metro sa ikalawang tangka upang lagpasan ang dating junior record na 37.51m ni Jessa Mae Fernandez na naitala noong 2013 UAAP meet.

“Medyo mahina pa nga po ang hagis ko kasi pagod pa po ako dahil last week lang natapos ang competition namin sa UAAP,” sambit ni Teodosio.

Sa naturang torneo, naibato niya ang hammer sa layong 40.70 meter, ngunit hindi ito pumasok sa record book dahil sa teknikalidad.

Hangad niyang makuha ang ikalawang national record sa pagsabak nito sa paboritong discus throw. Hawak ni Lorelie Amahit-Sermona ang national women’s record na 50.55m. Ikatlo si Teodosio sa all-time list sa event sa likod ni Sermona at dating national athlete na si Roselyn Hamero na may 43.04m.

Hindi naman nagpaiwan ang two-time Olympian na si Hidilyn Diaz matapos itala ang kanyang personal best na 120kg lift sa clean and jerk kahit mababa ang kanyang nabuhat sa snatch na umabot lang ng 92kg lamang para sa total lift na 212kg. Ang personal best ni Diaz sa snatch ay 98kg na itinala nito noong 2012 London Olympics.

Si Diaz ay inaasahang makakasama sa delegasyon ng bansa sa Rio Olympics matapos ang tatlong bronze medal na nakuha sa International Weightlifting Federation (IWF) World Weightlifting Championship sa Houston, Texas .

Pinilit din ni Nestor Colonia na higitan ang kanyang personal best na 124kg sa snatch at 150kg sa clean and jerk subalit nabigo ang 19-anyos na lifter. (ANGIE OREDO)