Mistulang pumutok na bulkan si Liberal Party (LP) standard bearer nang mapikon sa tanong ng media sa Kapalong, Davao del Norte, kahapon, tungkol sa papel ng kanyang asawa sa pangangampanya.

Bagamat nakangisi, pabalang na sinagot ni Roxas ang tanong ng babaeng mamamahayag kung ginagamit ba umano ni Korina Sanchez ang Department of Agriculture (DA) sa pangangampanya.

“So? May mali ba na siya ay mangapanya sa kanyang asawa? Yan ba ay tama o mali o illegal? So, ano ang tinatanong mo?” galit na itinanong ni Roxas sa female media personality.

“Ano ang sinasabi mo? Diretsahin mo ako… misis ko ito, sinasabi mo ba ginagamit ko ang misis ko? Una, pribado ang sasakyan niya…pribado ang perang ginagamit niya,” dagdag nito.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Iginiit ni Roxas na naimbitahan si Korina ng mga lokal na opisyal ng DA sa isang aktibidad ng ahensiya at hindi aniya totoo ang mga bintang na ginagamit ng kanyang maybahay ang resources ng departamento upang isulong ang kanyang kandidatura.

Hinamon din ni Roxas ang media na gamitin ang kanilang “kokote” sa isyu na binayaran ng LP ang mga manininda upang dumalo lamang sa kanilang campaign rally sa Davao del Norte at Compostela Valley, kamakailan.

“Isipin niyo kung totoong nangyayari ito, ‘diba mas madali na bayaran ang taga rito kesa sa mga taga-Davao City na pupunta pa rito? Kayong mga journalist, kayong mga taga media gamitin niyo ang inyong analysis at sentido kumon,” ayon kay Roxas. (Jonathan A. Santes)