Itinalaga ni Pangulong Aquino si retired Philippine National Police (PNP) Deputy Director General Felipe Rojas Jr. bilang bagong chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB), ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na nilagdaan ng Pangulo ang appointment paper ni Rojas nitong Pebrero 26 bilang kapalit ni Antonio Villar Jr.

Ang DDB ay isang ahensiya ng gobyerno na bumabalangkas ng mga panuntunan at programa laban sa ilegal na droga sa bansa.

Ang huling hinawakang posisyon ni Rojas ay bilang PNP Deputy Chief for Administration.

National

Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!

Samantala, sinabi ni Rojas na bukas ang kanyang isipan sa mga panukalang ibalik ang parusang kamatayan laban sa mga sinentensiyahan sa pagtutulak ng droga sa bansa.

Aniya, pinag-aaralan pa ng kanyang grupo ang posibilidad ng pagbabalik ng death penalty laban sa mga drug trafficker.

“Wala pa tayong official position although ‘yung namatay, si Lim Seng, natakot ‘yung drug lords dito sa atin during that time. Pero for now, we are still studying if this can help in our illegal-drugs campaign,” pahayag ni Rojas sa media.

Balak din ni Rojas na epektibong ipatupad ang national anti-drug abuse action plan, partikular na sa pagsugpo sa supply at demand chain.

Nitong nakaraang buwan, sinabi ng Malacañang na paiigtingin ng gobyerno ang pagsugpo sa kalakalan ng ilegal na droga at tiniyak na hindi ito mag-aatubiling parusahan ang mga kawani na gobyerno na sangkot sa droga.

Puntirya rin ng gobyerno ang pagsugpo sa tinaguriang “narco-politics”, o ang paggamit ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno sa nalikom na pondo mula sa illegal drug trade upang maupo o manatili sa puwesto. (Genalyn D. Kabiling)