Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagde-deploy ng United States ng mga Navy ship nito sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea o West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen Restituto Padilla na welcome sa militar ang pagpapadala ng Amerika ng mga barkong pandigma nito sa WPS, dahil matitiyak nito ang freedom of navigation sa rehiyon.

Nilinaw pa ni Padilla na walang ideya ang militar sa plano ng Amerika na mag-deploy ng Navy Fleet nito sa mga pinag-aagawang isla.

Nakabase sa Japan, Marso 4 nang dumating ang USS Blue Ridge (LCC 19) sa WPS, at nakatakdang umalis sa Miyerkules, Marso 9.

National

Harry Roque, iboboto si Quiboloy bilang senador: ‘Kinikilala niya ang Panginoon’

Ayon kay Philippine Navy Public Information Officer Capt. Lued Lincuna, ang Blue Ridge ay may 2,200 crew member, sa ilalim ng pamumuno ni Capt. Ron Oswald.

Sinabi naman ng gobyerno ng Amerika na ang pagdating ng mga barkong pandigma sa West Philippine Sea ay bahagi ng kanilang normal routine port call.

Kasabay nito, inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na dalawang taon na itong hindi nagpapatrulya sa West Philippine Sea, kasunod ng paghahain ng gobyerno ng pormal na reklamo sa arbitral tribunal sa The Hague kaugnay ng territorial dispute ng bansa laban sa China.

Ayon kay PCG Spokesperson, Lt. Commander Armand Balilo, nais ng gobyerno na huwag munang magsagawa ng pagpapatrulya sa lugar habang pending pa ang kaso sa arbitration court.

Dahil dito, lahat ng barko ng Pilipinas, maging ang nakaistasyon sa Bajo de Masinloc sa Zambales ay nai-pullout na ng PCG.

Gayunman, tiniyak ng PCG na handa itong magpatrulya sa West Philippine Sea anumang oras, kahit na limitado ang resources ng ahensiya. (Fer Taboy at Beth Camia)