Sen. Poe [ Arnold Almacen] copy

Pagbobotohan ng Supreme Court (SC) sa Miyerkules, Marso 9, ang draft decision na nagdidiskuwalipika kay Sen. Grace Poe bilang presidential candidate sa halalan sa Mayo 9 dahil sa kakulangan ng 10-year residency na hinihiling ng Constitution.

Habang ang dalawang kaso na inihain ni Poe para hamunin ang diskwalipikasyon sa kanya ng Commission on Elections (Comelec) ang full court agenda ngayong Martes, nagpasya ang karamihan ng mga justice na magkaroon ng special session ngayong araw para resolbahin ang mga ito dahil kailangan nila ng mas maraming oras para pag-aralan ang mga opinyon ng iba pang justices.

Nakasaad sa mga ulat na kapag nabigo ang mga mahistrado na magkaroon ng desisyon bukas, itatakda ang isa pang special full court session sa loob ng linggong ito para maresolba ang mga kaso.

Tourism

₱88 seat sale ngayong 12.12, handog ng isang airline!

Habang isinusulat ang balitang ito, iniulat na dalawang justice na ang nagsumite ng kanilang mga opinyon. Ayon sa mga ulat, isa sa dalawang justices ang sumang-ayon sa draft decision.

Nakasaad din sa mga ulat na tatlo pang justices ang inaasahang maghahain ng kanilang mga opinyon pabor o kontra sa draft decision.

Kapag nakakuha ng pito pang boto, bukod sa boto ni Justice Mariano C. del Castillo na nagsulat ng desisyon, awtomatiko nang matutuldukan ang presidential ambition ni Senator Poe.

Ang kabiguan ng isang kandidato na matugunan o makapasa sa alinman sa dalawang major constitutional requirements para sa presidential aspirant – natural-born Filipino at 10 years residency — ay awtomatikong nagdidiskuwalipika sa kanya sa karera sa panguluhan

Walong boto mula sa 15-miyembro ng SC ang kinakailangan para baligtarin ang nasabing draft decision.

Ang dalawang kaso ni Senator Poe ay nakapangalan bilang GR No. 221697 May Grace Natividad S. Poe-Llamanzares vs. Commission on Elections and Estrella C. Elamparo, at Gr Nos. 221698-700 Mary Grace Natividad S. Poe-Llamanzares vs. Comelec, Francisco S. Tatad, Antonio P. Contreras, and Amado D. Valdez.

Kapag nadiskuwalipika si Poe, ituturing na stray votes ang mga boto para sa kanya sa halalan.

Iniulat na nakasaad sa draft decision na si Senator Poe ay nakagawa ng material misrepresentations sa residency sa certificate of candidacy (COC) nito para pangulo na isinumite sa Comelec. (REY PANALIGAN)