Sinabi ni Partido Galing at Puso re-electionist, Senator Vicente “Tito” Sotto III na malayang mag-leave o umalis ang mga kapartido niya sa Nationalist People’s Coalition (NPC) na hindi sang-ayon sa pag-endorso kina Senator Grace Poe at Francis “Chiz” Escudero bilang presidential at vice presidential bets ng ikalawang pinakamalaking partido pulitikal sa bansa.
Isa sa mga bigatin ng NPC, sinabi ni Sotto na maaaring mamili ang kanyang mga kapartido kung magli-leave of absence, aalis sa partido, o ipaalam sa liderato na hindi susuportahan ang desisyon ng NPC.
“If you cannot follow the party decision, you can take a leave. Or you can inform the party you don’t want to be with us anymore. Tell the leaders you can’t comply with the decision,” sinabi ni Sotto sa mga mamamahayag sa sidelines ng press conference sa Fortune Restaurant, isang araw matapos magpasya ang NPC na suportahan ang Poe-Escudero tandem.
Ngunit sinabi ni Sotto na ang mga miyembrong ito ng NPC na kandidato sa local at national positions ay hindi dapat umasa ng anumang suporta mula sa partido sa halalan sa Mayo 9.
Sinagot din niya ang mga nagmamaliit sa desisyon ng NPC na natataranta lamang ang mga ito dahil ang panawagan ng partido ay suportado ng 90 porsiyento ng mga miyembro nito.
Ang NPC ay may 250 miyembro sa bansa, kabilang na ang dalawang senador, 40 congressman, at 14 na gobernador at may 4,129 na kandidato sa Mayo 9. (Hannah L. Torregoza)