BINITIWAN na naman ng talent management agency ang character actor na hindi makaabante ang career dahil pansariling kagustuhan ang sinusunod.
Nakakailang manager na ang character actor na napunta na sana sa kilalang mahusay at madaling kausap na manager na malalaki ang hawak na kliyente (hindi lang mga artista).
Pero hindi natagalan ng mahusay na manager ang alaga kaya binitiwan at ipinasa ito sa kilalang talent development and management agency ng isang network sa pagbabaka-sakaling mabago ang pananaw at baka mas dumami pa ang projects.
Pero kuwento ng nakakatsikahan naming mga taga-production, “Wala namang bago sa acting, hindi naman nag-i-improve, tamad kasing mag-workshop, hindi rin sumusunod minsan, may sariling gusto. Palibhasa may pera naman kaya sobrang kampante. ‘Tapos nakikialam pa ang magulang at nangungulit kung bakit walang project ang anak, so may conflict.”
Kaya dinispatsa rin siya ng sikat na talent agency. Kaya lumipat na naman ang character actor sa manager na super bait, magaling sa lahat ng aspeto, pero sumuko na rin ito.
Sa ngayon, balik sa pinanggalingang talent agency ang character actor na umaasang magkaka-projects at nangakong magbabago na, at sinabihan na rin ang magulang na huwag nang makikialam sa career ng anak.
Ang tanong, bakit ba kasi nagpipilit mag-showbiz ang character actor, e, hilaw naman ang pagmamahal niya sa acting at sa industriya sa kabuuan? Baka may tamang lugar para sa kanya, di ba, bossing DMB?
Anyway ang character actor na bida sa blind item namin ay hindi kaguwapuhan, hindi rin katangkaran, wala ring acting, ordinaryong manamit dahil hindi siya conscious. Sa madaling sabi, wala siyang X factor. (Reggee Bonoan)