Agaw-pansin ang bagitong si Julian Reem Fuentes ng College of St. Benilde sa naitalang record breaking performance sa men’s long jump upang makopo ang unang gintong medalya na nakataya sa pagbubukas ng NCAA Season 91 Track and Field Championships, kahapon sa Philsports Track oval sa Pasig City.

Sa kanyang unang taon sa kompetisyon, sinira ng 21- anyos na si Fuentes, isang second year Computer Applications student ang existing NCAA record na 7.34 metro matapos makatalon sa layong 7.39.

At sa kanyang huling talon, naisumite ng pambato ng Cordon, Isabela ang bagong meet record na 7.42 metro.

“Medyo kundisyon lang po ako. Doon sa second to the last jump nag foul ako,pero alam kong kaya ko pa so nag try akong i- break ulit ang record sa last jump ko,” pahayag ng balik eskuwelang si Fuentes.

Tatay ni Caloy, ‘ginatasan’ daw ng anak: ‘Kinuha niya semilya ko, ginanyan na kami!’

Nahinto siya ng pag-aaral at sa kanyang pagbabalik ay naisipang sumama sa athletics team ng Blazers.

Gayunman, hindi na bago kay Fuentes ang kompetisyon dahil taong 2012 nang tanghalin din siyang gold medalist at record breaker sa Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan.

Pumangalawa kay Fuentes si Albert Callejo ng Arellano University na nakatalon ng 7.21 metro kapareho ng natalon ng third placer na si Mark Vincent Ramos ng Mapua.

Iginawad kay Callejo ang silver medal dahil sa mas mataas niyang second best attempt na 7.19 metro.

Sa iba pang resulta, pinaghatian naman ng event host San Beda at CSB La Salle Greenhills ang unang dalawang gold medal sa juniors division.

Nagwagi sa juniors long jump si Jericho Hilario ng San Beda sa kanyang talon na 6.38 metro, habang nanalo naman si Emilio Florendo ng LSGH sa juniors discuss throw makaraang maibato ang discuss plate sa layong 39.12 metro.

Pumangalawa kay Hilario si Lorenz Sediarin ng San Sebastian College (6.29 metro) habang pumangatlo naman si Sean de la Vega ng Emilio Aguinaldo College- ICA (5.78m).

Nag-uwi ng silver sa juniors discuss throw si Guidion Arellano ng San Beda (35.50 m) at nanalo naman ng bronze si Tyronne Flores ng EAC-ICA (34.82m). (Marivic Awitan)