Kinatigan ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang panukalang ₱15 bilyong pondo ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan para sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Matatandaang ginulantang ng may lakas na magnitude 7.8 na lindol ang maraming lokal na residente at estudyante partikular sa Maasim, Sarangani, Soccsksargen, nitong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Ayon sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), tumama ang mapaminsalang lindol sa naturang lugar bandang 7:37 ng umaga nitong Lunes at naramdaman ito maging sa iba pang mga karatig-lugar o bayan.
Dahil dito, inapela ni Pangilinan noong Hunyo 10 sa agarang paglalaan ng karagdagang ₱15 bilyong pondo para sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao upang ilaan daw para sa rehabilitasyon, recovery, repair, at reconstruction efforts.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Kiko, isinusulong ₱15B pondo para sa mga apektado ng lindol!
Sa naging pahayag naman ni De Lima sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 12, sinabi niyang maraming pamilya raw ang nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa naturang lindol.
Ani De Lima, naghain daw siya ng counterpart sa Kamara para sa isinusulong na Senate Bill No. 2259 ni Pangilinan sa layuning maglaan ng ₱15 bilyong pondo para sa pagbangon, rehabilitasyon, at muling pag-aayos ng mga naapektuhang lugar sa Mindanao.
“Bukod sa pagpapagawa ng mga nasirang mga imprastraktura at pasilidad, ilalaan ang dagdag pondo na ito sa mga kinakailangang mga programa o social interventions para masiguro ang pagbalik sa normal na pamumuhay ng ating mga kababayan — ang kanilang kaligtasan, tahanan, kalusugan, kabuhayan, edukasyon ng kabataan, at iba pang mahahalagang serbisyo sa iba’t ibang sektor,” aniya.
Hiling ni De Lima, patuloy raw sanang ipagdasal at pagtulungan ng taumbayan ang sitwasyon na sinapit ng Mindanao.
“Ipagdasal at pagtulungan po natin ang mabilis na pagbangon ng ating mga kababayan sa Mindanao,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, umabot na sa 55 ang bilang ng mga nasawi sa naganap na trahedya ng lindol sa Mindanao batay sa tala ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
KAUGNAY NA BALITA: ‘The Big One,’ bakit dapat katakutan at paghandaan?