PINURI ni Governor Albert Garcia ang Korte Suprema sa pagdaraos nito ng tinatawag na Justice on Wheels (JW) na ipinagbunyi naman ng mga bilanggo sa Bataan District Jail. Ang pagsasagawa ng kapuri-puring programa ng JW ay nagresulta sa pagpapalaya sa 40 bilanggo sa nabanggit na bilangguan.

Sa loob lamang ng kalahating araw na pagdinig sa mga kaso sa dalawang malaking bus na ginamit bilang korte ay dininig nito ang 98 kaso at 40 bilanggo nga ang pinawalang-sala at pinalaya. Ito ang pinakamabilis na disposisyon ng mga kaso sa Korte Suprema.

Nakatanggap ito ng papuri mula kay Chief Justice Lourdes Sereno at ikinagalak naman ni Gov. Garcia.

Kung ganito palagi ang magiging disposisyon ng mga kaso sa bansa ay malulubos ang tiwala ng mga mamamayan sa ating Justice System.

Matatandaang hindi lamang sa mga bilangguan sa Bataan napapantot ang mga bilanggo. Sari-saring kaso mula sa paggamit ng illegal na droga, pagnanakaw, rape at simpleng libelo ay doon na halos tumanda dahil sa bihirang magdaos ng hearing. May kaso ring nagnakaw lang ng manok o pato ay inaabot na ng maraming taon dahil sa kabagalan ng ating mga husgado. Mga nakabilanggo na kahit simple lamang ang kaso ay tumanda na sa kulungan. Kaya ang mga pagdinig doon ng JW ay parang malinaw na patak ng tubig sa tuyot na lalamunan ng mga nagdurusang bilanggo.

Bukod sa mabilis na pagdinig sa mga kaso at pagbibigay ng mabisang hatol, ang Korte Suprema ay nagkaloob din ng libreng gamutan at dental check-up sa mga bilanggo. At ang local Integrated Bar ay nagkaloob din ng libreng legal assistance sa 87 bilanggo.

Sinabi ni Gov. Garcia na ang Enhanced Justice on Wheels ay naglingkod at nagmalasakit sa mga bilanggong hindi kayang kumuha ng mga abogadong magtatanggol sa kanila kaya nagtitiis na lamang sa loob ng bilangguan kahit na iniisip na dapat ay matagal na silang nakalaya dahil sa tagal ng kanilang pagkakakulong.

Pinasalamatan din ni Gov. Garcia ang Korte Suprema dahil sa dakilang proyekto na inaasahan niyang hindi sana ito ang huli, kundi malimit na maidaos ang proyekto sa naturang lalawigan para sa kapakanan ng mga kawawang bilanggo.

(ROD SALANDANAN)