Himalang nakaligtas ang isang 13-anyos na lalaki matapos siyang igapos sa ilalim ng tulay, bugbugin, at silaban ng tatlong miyembro ng kalaban niyang gang na gustong maghiganti sa kanya sa Parañaque City, nitong Lunes.

Inoobserbahan pa sa Philippine General Hospital ang binatilyo, na miyembro ng “Batang Phase One” gang, at residente ng Barangay B.F. Homes, matapos siyang magtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at third degree burns sa mukha, dibdib, mga binti at magkabilang paa.

Kinilala ni Parañaque City Police chief, Senior Supt. Ariel Andrade ang suspek na si Wilfren “Atok” Azaña, 19, miyembro ng “Batang Tawid” gang, at kabarangay ng biktima.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 2:00 ng umaga nang matiyempuhan ang biktima ni Azaña at ng dalawa pang menor de edad na miyembro ng Batang Tawid sa Skyway-Sucat Exit.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Nabugbog ng mga kasapi ng Batang Phase One sa rambulan kamakailan, isinama ng suspek ang biktima sa ilalim ng Skyway at doon iginapos at binugbog.

Pagkatapos, tinakpan ni Azaña ng mga lumang karton at tuyong dahon ang binatilyo at sinilaban ang noon ay duguan nang biktima.

Tumakas ang grupo ni Azaña habang naghuhumiyaw sa sakit ang biktima, ngunit nakita sila ng isang security guard, na agad na ipinaalam sa mga opisyal ng barangay ang insidente.

Nang maaresto, inamin ng suspek ang krimen at sinabing hindi niya pinagsisisihan ang kanyang ginawa.

“Mas mabuting makulong ako dito kaysa nasa labas ako dahil sigurado akong papatayin ko siya, papatayin ko sila,” sabi ni Azaña. (Martin A. Sadongdong)