ALAMINOS CITY, Pangasinan – Aminado si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nagpapatina siya ng buhok.

Sa Alaminos City sa Pangasinan naman naglibot kahapon, sinabi ni Marcos na pagagalitan siya ng mga babae sa kanyang buhay, na kinabibilangan ng kanyang asawa, ina, mga kapatid, mga pinsan, at tiyahin, kung hindi siya magpapatina at magmumukhang matanda.

Aniya, lahi na ng mga Romualdez ang maagang pagputi ng buhok.

Matatandaang sa panayam ng media sa Los Angeles, California, kamakailan ay pinuna ni Pangulong Aquino ang pagpapatina ng buhok ni Marcos, sinabing mahalagang ipakita sa publiko ang tunay na hitsura o kalagayan ng isang tapat na kandidato.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Pinasalamatan naman ni Marcos ang Pangulo sa pagpuna sa kanyang buhok, bagamat ikinagulat niya ito.

“Thank you, Mr. President, sa iyong concern,” sabi ni Marcos.

Nagbiro pa ang senador na sa kabila ng santambak na trabaho ng Presidente ay nagawa pa nitong pansinin ang kanyang buhok.

Dahil dito, pabirong tinanong ng media si Marcos kung napapansin niya ang buhok ng Pangulo, na sinabi niyang hindi niya tinitingnan. (Liezle Basa Iñigo)