PALIBHASA’Y naalibadbaran na sa walang kapararakang patutsadahan ng mga kandidato, minarapat kong panoorin ang kinagigiliwan kong dog show sa mga liwasan, tulad sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, sa ilang malalaking mall, at maging sa mga pribadong animal kingdom. Sa mga katulad kong mahilig mag-alaga ng aso, isang makatuturang “therapy” ang panonood sa nabanggit na pet show.

Sa kabila ng kagila-gilalas na pagpapamalas ng iba’t ibang kaalaman ng mga alagang aso, nangingibabaw din ang kanilang pagiging makatao. Kapuna-puna na sila ay magiliw sa kanilang mga amo; tila mga sanggol na kumakandong sa kanilang magulang. Disiplinado at halos lahat ay lahing-dayuhan o foreign breed. Malaki ang pagkakaiba sa mga “askal” o asong kalye na kaagad umaangil sa galit at tila nais kagatin pati ang mga kamay na nagpala sa kanila.

Ganito ang pag-uugali ng ilang tao na hindi marunong tumanaw ng utang na loob.

Maraming pagkakataon na ang ating mga alagang aso ay nagpamalas ng kabayanihan at iba pang makabuluhang misyon sa piling ng kanilang mga tagapag-alaga. Isang pet dog sa Zamboanga City, halimbawa, ang itinuring na isang bayani nang iligtas nito mula sa kamatayan ang isang bata. Buong-tapang niyang isinangga ang kanyang katawan laban sa rumaragasang motorsiklo upang hindi masagasaan ang bata. Dahil dito, nahagip ang nguso ng aso (nakalimutan ko na ang pangalan). Isipin na dahil sa ipinamalas nitong kabayanihan, sa America pa ito dinala upang doon operahan.

Hindi ko rin malilimutan ang isa pang alagang aso na malimit kong makita sa D. Tuazon St., QC. Siya ang nagsisilbing alalay o escort ng kanyang tagapag-alaga na may kapansanan. Nakasunod ang aso sa kariton na pinagugulong ng kanyang amo. Kitang-kita ang pagmamalasakit ng isang hayop sa isang tao.

Isang kapit-bahay ko ang laging may kasamang alagang aso sa kanyang pamamalengke; kagat-kagat nito ang marketing bag habang sila ay papunta sa pamilihan – isang eksena na nakakaaliw panoorin.

Sino ang hindi hahanga sa kabayanihan ng isang K-9 na alaga ng mga security sa Malacañang. Nang ito ay namatay, inihimlay ito sa libingan ng mga bayani.

Talagang makatao rin ang mga alagang aso, lalo na kung ihahambing sa mga hindi nagpapakatao. (CELO LAGMAY)