IGINIGIIT ngayon na ilabas ni Mayor Duterte ang kanyang clinical o medical records. Kamakailan kasi, naudlot ang kanyang pangangampanya sa Taguig. Nakatakda na sana siyang makipagpulong sa grupo ng mga doktor noon nang nakaramdam siya ng matinding sakit ng ulo. Migraine raw ito, kaya napilitan siyang magpahinga. Hindi na siya nakalabas ng hotel para kausapin ang mga doktor.

Sa isang pulong na dinaluhan naman ni Mar Roxas, nang siya ay nagsalita, sinabi niya na nakahanda siyang paeksamen at ihayag sa publiko ang kanyang medical records. Sa akalang siya ang pinatutsadahan ni Roxas, nagalit si Duterte nang kapanayamin siya ng mga mamamahayag. “Ang itanong ninyo sa kanya,” wika ng alkalde, “ay kung tuli na siya”.

Lihis ang reaksiyon ng alkalde dahil noong una pa man ay tutol siya sa mungkahing ilabas ang medical records ng mga kandidato sa panguluhan.

Napakahalaga na malaman ng mamamayan ang lagay ng kalusugan ng mga kandidato lalo na sa pagkapangulo. Ang Pangulo ang pinuno ng bansa. Ang pamunuan niya ay kailangang physically at mentally healthy na kayang patakbuhin ang gobyerno para sa kapakanan ng lahat. Na kapag pinili na, ang pangulo mismo ang tatangan sa renda ng gobyerno dahil nananalig ang mamamayan sa kanyang kakayahan. Hindi iyong ibinoto, pero iba ang magpapatakbo ng gobyerno, na mangyayari dahil inilihim sa mamamayan na ang presidente ay may karamdaman, at hindi kayang gampanan ang kanyang tungkulin.

Hindi nakabubuti kay Duterte ang ipagkait niya sa taumbayan ang kanyang medical records, lalo na nga’t lumalabas na sa kanyang pangangampanya ay may iniinda siyang karamdaman. Makabubuti naman ito kay Roxas, na laging pinag-iinitan ni Duterte tuwing may isyung pambayan na naaapektuhan siya. Kasi, problema rin sa kalusugan ang nakaaapekto sa kandidatura ni Sen. Miriam Santiago.

Sa kanilang tatlo, na mula sa Visayas at Mindanao, si Roxas ang lumalabas na kayang dalhin sa kadulu-duluhan ang labanan. At kung siya ay manalo, siya mismo ang magpapatakbo sa gobyerno.

Si Carlos Garcia ang huling Pangulo na taga-Visayas, ang mga sumunod sa kanya ay galing lahat sa Luzon. Pagkakataon na ito ng mga taga-Visayas at Mindanao na magkaisa para sa kanila naman manggaling ang susunod na Pangulo.

(RIC VALMONTE)