Nakopo ng National University ang pangunguna sa men’s division, habang nagtabla ang Far Eastern University at University of the Philippines sa distaff side sa ginaganap na UAAP Season 78 chess tournament sa Henry Sy Hall sa De La Salle University-Manila campus.

Namuno sina Vince Medina at Jefferson Mansanero sa Bulldogs para gapiin ang Ateneo Eagles, 3-1, at makubra ang kabuuang 9 na puntos para sa solong liderato.

Natapos sa draw ang laban nina IM Paolo Bersamina at FM Austin Literatus kontra kina IM Jan Emmanuel Garcia at Jose Lat, bago nagwagi sina Medina at Mansanero laban kina Louell Que at Lorenzo Miguel Marquez, ayon sa pagkakasunod, sa lower board para manatiling malinis ang karta sa torneo.

Unang ginapi ng Bulldogs ang Tamaraws, 3-1, bago isinunod ang University of the East, 3-1.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Nakasunod naman sa kanila ang defending champion La Salle na may 8.5 puntos sa naitalang 3-1 panalo kontra UE, at Adamson University, habang may 2.5 ang University of Santo Tomas.

Sa kababaihan, isinalba nina Glady Romero at Venice Vicente ang kampanya ng Lady Maroons, makaraang mangapa ang kanilang mga upper board players na sina reigning MVP WIM Janelle Mae Frayna at WFM Shaina Mendoza.

Naunang naging biktima ng Lady Tamaraws na mayroon na ngayong kabuuang 9 na puntos ang Lady Eagles, 4-0 at ang Lady Archers, 2.5-1.5.

Sa iba pang laban, nablangka ng UP ang Lady Falcons, 4-0, bago tinalo ang Lady Warriors, 3.5-.5. (Marivic Awitan)