“Ayusin natin ang problema sa Mindanao, kung hindi ay mawawala ito.”

Ito ang naging banta ng PDP-Laban presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte.

Aniya, sasama sa Mindanao kahit ang mga Kristiyano kapag humiwalay ito sa Pilipinas dahil naroroon sila sa rehiyon.

Sinabi ni Duterte na kung mananalo siya sa pagkapresidente ay tututukan niya ang edukasyon at agrikultura.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Pangatlo niyang tututukan, aniya, ang pangkabuhayan ng mga maliliit na negosyante, at bibigyan niya ng puhunan ang mga ito sa kasunduang pagbubutihin ang pangangalakal.

Isusunod umano niya ang problema sa Mindanao, na nag-ugat pa sa panahon ng Kastila noong 1521.

Sinabi ni Duterte na federalismo ang pinakamabuting paraan para maresolba ang problema sa Mindanao, dahil hindi, aniya, katanggap-tanggap ang Bangsamoro Basic Law (BBL) kung ibabatay ito sa Konstitusyon.

Nakausap na umano niya sina Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari, Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Alhaj Murad, MILF Vice Chairman Ghazali Jaafar, Abul Khayr Alonto, at Muslimin Sema, at pabor sa federalismo ang lahat ng ito.

Sina Alonto at Sema ay may sarili ring grupo.

Dagdag pa ni Duterte, kung hindi maaayos ang problema sa Mindanao ay malamang na mawala ito sa mapa ng Pilipinas.

(EDD K. USMAN)