Kobe Bryant

SAN ANTONIO — Nanatiling matatag ang Spurs laban sa nais dumungis sa kanilang dangal sa At&T Center.

Matikas na nakihamok ang Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na umiskor ng 26 puntos, para maigupo ang pakitang-gilas na Los Angeles Lakers, 106-102, nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nag-ambag si Kawhi Leonard ng 20 puntos at 13 rebounds para gabayan ang Spurs sa pagkolekta ng ika-28 sunod na panalo sa home game ngayong season. Kabilang ang karta sa nakalipas na season, nanatiling matatag ang Spurs sa ika-37 sunod na tagumpay sa AT&T Center.

Wrestler-actor Dwayne Johnson, may pasabog sa fans; balik wrestling ring?

Nanguna si Kobe Bryant, naglalaro sa kanyang farewell season, sa naiskor na 25 puntos para sa Lakers (11-42), kabilang ang 5-24 sa road game ngayong season.

Sa Cleveland, muling nabitiwan ng Cleveland ang hawak na bentahe, ngunit sa pagkakataong ito nagpakatatag ang Cavaliers sa krusyal na sandali para maitarak ang panalo kontra New Orleans Pelicans.

Nagawang makasalba ng Cavs sa mabigat na laban na wala si star forward Kevin Love na ipinahinga ni coach Tyron Lue bunsod nang injury sa kaliwang hita. Nanguna si Kyrie Irving sa Cavs sa naiskor na 29 puntos, habang kumana si LeBron James ng 27 puntos para makabawi sa magkasunod na kabiguang natamo sa road game.

Nagtumpok nang pinagsamang 17 puntos sina Irving at James sa fourth quarter para makuha ang panalo at ibigay kay Lue ang 6-3 karta mula nang palitan si David Blatt noong Enero 22.

Hataw si Norris Cole sa nakubrang career-high 26 puntos, habang tumipa ng double-double si Anthony Davis – 24 puntos at 11 rebounds – para sa New Orleans na nagtamo ng ikaapat na sunod na kabiguan.

Nabitiwan ng Cleveland ang 15-puntos na abante sa ikalawang sunod na laro. Tangan ng Cavaliers ang 54-39 bentahe sa second quarter, ngunit nagawang makadikit ng Pelicans sa ilang pagkakataon sa second half.

Laban sa Boston nitong Sabado, naglaho ang 15-puntos na bentahe ng Cavs at natalo mula sa buzzer-beating 3-pointer ni Avery Bradley.

Nag-ambag si J.R. Smith ng 20 puntos, tampok ang anim na 3-pointers, habang kumubra si Tristan Thompson ng 15 rebounds.

HORNETS 108, WIZARDS 104

Sa Charlotte, N.C., bumalikwas ang Hornets mula sa malamyang simula para gapiin ang Washington Wizards.

Nagtumpok ng 26 puntos at 11 rebounds si Nicolas Batum, habang umiskor si Kemba Walker ng 23 puntos para sa Hornets. Nag-ambag sina Marvin Williams ng 13 puntos at 10 rebounds, at may 14 puntos si Spencer Hawes.

Nanguna si John Wall sa Wizards na may 23 puntos, habang kumana sina Bradley Beal at Otto Porter Jr., ng 22 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod.

BLAZERS 96, ROCKETS 79

Sa Houston, pinabagsak ng Portland Trail Blazers, sa pangunguna ni Damian Lillard na kumubra ng 21 puntos at 10 assists, ang Rockets.

Nadomina ng Blazers ang tempo ng laro para umarangkada sa 19 puntos sa halftime at hindi na nagawang habulin ng Rockets.

Hataw sa Rockets si James Harden na may 33 puntos.

Umiskor din ng double digits ang limang Blazers na sina J.J McCollum at Gerald Henderson na may tig-16 puntos, Maurice Harkless na may 14, habang umiskor sina Aminu at Mason Plumlee na may 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

SIXERS 103, NETS 98

Sa Philadelphia, hataw sina Jahlil Okafor sa naiskor na 22 puntos at 17 rebounds, habang kumana si Nerlens Noel ng 18 puntos, tampok ang dunk sa krusyal na sandali para maungusan ang Brooklyn Nets.

Napantayan naman ni rookie T.J. McConnell ang career-high 17 puntos para sa 76ers, na natuldukan ang four-game losing streak.

Nanguna si Thaddeus Young sa Nets sa natipang 22 puntos, habang kumana si Brook Lopez ng 17 puntos.