Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin sa ulo at katawan ng mga lalaking ‘maskarado’ at magkaangkas sa isang scooter sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Dead on arrival sa Mary Johnston Hospital si Alexander Nuñez, 29, ng 897 Rawis Street, Tondo.

Batay sa report ni SPO2 Charles John Duran, imbestigador ng Manila Police District (MPD), dakong 3:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harap ng Block 2 Lot 3 Model community, Chesa Street, sa Tondo.

Nauna rito, nakarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga testigong sina Josephine Villaruel at Josua Basilio mula sa kanilang bahay kaya agad silang lumabas upang alamin kung ano ang nangyayari sa labas.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Dito na nila nakita ang dalawang hindi nakilalang lalaki na nakasuot ng maskara sa mukha at magkaangkas sa isang scooter na tumakas patungong R-10 .

Nang tingnan ang pinagmulan ng mga suspek ay naabutan pa nila ang biktima na duguang gumagapang malapit sa nakaparada nitong scooter.

Kaagad namang tinulungan ng mga testigo ang biktima at isinugod sa pagamutan ngunit nasawi rin.

Sa imbestigasyon, limang tama ng bala ang tinamo ng biktima na naging sanhi ng agarang kamatayan nito. - Mary Ann Santiago