MATAGAL nang nananawagan ang New Vois Association of the Philippines (NVAP) sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na dinggin ang kahilingan ng World Health Organization (WHO) na ipagbawal ang paninigarilyo sa mga eksena sa pelikula.

Sinabi ni NVAP President Emer Rojas, isang throat cancer survivor, na walang dahilan ang MTRCB para balewalain ang kahilingan ng WHO, dahil sa totoo lang, malaki ang naitutulong ng mga sine upang mahikayat ang mga tao, lalo na ang kabataan, na manigarilyo.

Sa kasalukuyan, nagbibigay ng rating ang MTRCB sa mga pelikula at television shows base sa tema, lengguwahe, nudity, sex, violence, horror, at drugs. Pero binigyang-diin ni Rojas na ang paninigarilyo sa pelikula ay isang paraan ng advertising and promotion. At dahil kasama ang Pilipinas sa mga pumirma sa WHO Framework Convention on Tobacco Control (WHO-FCTC), dapat bantayan ng MTRCB ang parteng ito sa mga pelikula. Ito umano ang natatanging paraan upang makatulong ang MTRCB sa layunin ng gobyerno na pababain ang bilang ng mga naninigarilyo sa bansa, at mabawasan na rin ang “smoking-related illnesses and deaths”.

“Baka ang pagbibigay ng rating sa mga pelikula ay makatulong sa implementasyon ng graphic health warning (GHW) law na naglalayong magbigay-babala sa publiko sa mga panganib na dala ng paninigarilyo,” sabi pa ni Rojas.

Noong isang taon, nanawagan ang WHO sa lahat ng member-states na bigyan ng rate ang mga pelikulang may mga eksena ng paninigarilyo upang maiiwas ang mga bata at kabataan na maagang matuto nito.

Sinabi ni WHO Director for the Department of Prevention of Non-Communicable Diseases Dr. Douglas Bettcher na ang pelikula ang pinakamabilis at pinakamabisang paraan upang malantad ang milyun-milyong kabataan sa paninigarilyo.

Batay sa pag-aaral ng WHO sa United States of America (USA), aabot sa 37 porsiyento ng populasyon ng kabataan ang unang naganyak na manigarilyo dahil napanood nila ito sa sine.

Noong 2014, pinatunayan ng US Centers for Disease Control and Prevention na sa US pa lamang, aabot na sa anim na milyong kabataan ang natututong manigarilyo taun-taon.

Noon ding 2014, sinabi ng WHO na 44 na porsiyento ng mga pelikula sa Hollywood ay may mga eksenang naninigarilyo.