ZAMBOANGA CITY – Isinailalim sa high alert status ang militar sa Sulu makaraang matuklasan ang plano ng Abu Sayyaf na maglunsad ng serye ng pambobomba sa Jolo, ang kabisera ng lalawigan.
Sinabi ni Brig. Gen. Alan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu, na ang sunud-sunod na pambobomba ay isasagawa ni Namil Ahajari, alyas “Gapas”, aktibong miyembro ng Abu Sayyaf na nasa ilalim ni Kumander Radulan Sahiron, ang pinakamataas na leader ng Abu Sayyaf sa lalawigan.
Tinukoy ni Arrojado na mga pangunahing target sa pambobomba ang Barangay Kakuyagan at ang Serrantes Street na madalas na daanan ng mga sundalo patungo sa palengke.
Ayon kay Arrojado, ang bombing sumabog sa loob ng isang videoke bar nitong Enero 28 ng gabi ay isinagawa ni Roger Saji, kasama ni Ahajari, na inatasan ni Sahiron para gawin ang pambobomba.
Walang iniulat na namatay o nasugatan sa pagsabog na nangyari dakong 7:35 ng gabi nitong Huwebes sa loob ng isang videoke bar sa Sitio Basa-basa sa Bgy. Bus-Bus, Jolo.
Ang nasabing videoke bar ay pag-aari ni dating Talipao Vice Mayor Mijan Hasim at matatagpuan sa tapat ng Gate 1 ng Camp General Teodulfo Bautista, na nagsisilbing headquarters ng Joint Task Group Sulu.
Sinabi ni Arrojado na layunin ng serye ng pambobomba na baguhin ang focus ng tropa ng militar na kasalukuyang nagsasagawa ng military operations laban sa grupo ni Radulan sa kabundukan ng Patikul at Talipao.
Bukod dito, isa pang bomba ang natuklasang iniwan sa mobile ng pulisya ngunit hindi sumabog nitong Huwebes.
Nauna rito, napigilan ng pulisya ang pagsabog ng isang bomba na itinanim sa labas ng isang tindahan sa Isabela City, Basilan, nitong Miyerkules. (Nonoy E. Lacson)