MARAMI ang nagsasabi at naniniwala na Buwan ng Pag-ibig at Sining ang Pebrero sapagkat iba’t ibang gawain ang inilulunsad tungkol sa sining ng National Commission Culture and the Arts (NCCA). Sa Rizal ang samahan ng mga alagad ng sining ay may gawaing inilulunsad bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Sining. At pagsapit naman ng ika-14 ng Pebrero, ipinagdiriwang ang Valentine’s Day. Buwan din ng Kagitingan ang Pebrero sapagkat naganap ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22-25, 1986. Isang mapayapang himagsikan na lumagot sa tanikala ng diktadurya at rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nangibabaw ang matibay na pagkakaisa at pag-ibig sa bayan ng mga Pilipino at naibalik ang demokrasya at kalayaan na sinikil ng isang diktador.
Sa kalendaryo naman ng Simbahan, mahalaga ang ika-2 ng Pebrero sapagkat magkasabay na ipinagdiriwang ang Pista ng Candelaria o Candlemas Day at ang feast of purification, gayundin ang paggunita sa pag-aalay sa batang si Jesus sa templo. Naniniwala ang marami na ang Candelaria ay pagdiriwang ng kabataan ni Kristo. Ayon sa ritwal ng Simbahan, ang Candelaria ay seremonya ng paglilinis matapos manganak ang isang ina. At batay sa kautusan ng Diyos na itinakda ni Moses sa mga Hudyo, sinasabing hindi malinis ang isang babae na nagsilang ng sanggol. May naniniwala naman na ang isang ina, matapos manganak ay hindi maaaring magpakita sa publiko. Hindi rin maaaring humipo ng anumang bagay na pinaniniwalang itinalaga sa Panginoon. Kaya, pagsapit ng ika-40 araw, maghahandog ang ina ng isang kordero o tupa o isang kalapati sa pintuan ng templo. Kung mahirap, maaaring palitan ng isang ibong Batu-bato (wild pigeon).
Ang nasabing kaugalian ay sinunod ni Birheng Maria at ang kautusan na ang panganay na sanggol na lalaki ay ihahandog o ipakikila sa Panginoon na kinakatawan ng isang saserdote o pari. Dinala nina Maria at Jose ang batang si Jesus sa templo bilang pagsunod na rin sa kautusan.
Ang pag-alay ng bawat hudyong panganay na lalaki ay pagpapahayag ng pasasalamat sa mahalagang pangyayari ng nakalipas at ng pananalig sa Diyos na pinagmulan ng lahat ng buhay. Ngunit ang pag-alay kay Jseus sa templo ay isang hula kung ano ang kanyang magiging buhay.
Ngayong Pebrero 2, tanawin naman sa mga simbahan sa iba’t ibang parokya ang pagsisimba ng mga ina kasama ang kanilang sanggol. May dala ring kandila gayundin ang ibang magsisimba upang pabendisyunan sa pari. Sa paniniwala ng mga Kristiyanong Katoliko, ang liwanag ng kandila ay sumasagisag kay Kristo na Siyang Liwanag ng mundo.
(CLEMEN BAUTISTA)