Umapela si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa mga botante na piliin ang mga susunod na mamumuno ng gobyerno ang may malinis na record sa serbisyo publiko at may malinaw na plataporma para sa mamamayan.

“Ang apela ko lang ay iboto natin ang mga taong malinis ang record sa lokal at nasyunal,” ayon sa Ombudsman.

“Lahat ng kandidato maging sa mga posisyong pambayan, pang-lungsod o pambansa, kailangang magharap ng plataporma kung paano nila lalaban ang katiwalian,” dagdag niya.

Aniya, talamak pa rin sa bansa ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

National

Chel Diokno sa pagtakbo ng Akbayan sa Kongreso: ‘Our record speaks for itself!’

“Totoong seryoso ang Pangulo (Aquino) sa pagsusulong ng kanyang kampanya laban sa kurapsiyon,” mungkahi ni Morales.

Matatandaan na naging campaign slogan ni PNoy ang “Daang Matuwid” na naging basehan ng Ombudsman sa pagsasampa ng kaso laban sa maiimpluwensiyang personalidad na dating itinuturing na “untouchable.”

Sang-ayon naman ang kampo ni Mar Roxas, ang pambato ng Liberal Party sa eleksiyon sa Mayo 9, sa apela ni Morales.

“Ibig sabihin nito ay dapat na ipagpatuloy ang ‘Daang Matuwid’ para hindi mahinto ang paglilinis ng pamahalaan ng

mga tiwaling opisyal,” ayon kay “Daang Matuwid” coalition spokesman Barry Gutierrez.

Samantala, inihayag ni Morales na pumalo na sa 1,092 kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno ang kasasampa lang sa anti-graft agency, habang aabot naman sa 600 na kaso ang isinampa naman laban sa mga pulis.

(BETH CAMIA at ROMMEL TABBAD)