Inaresto ng pulisya ang isang city administrative officer sa Batangas matapos siyang makumpiskahan ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa Sitio Sinagtala sa Barangay 7 sa Lipa City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni Lipa City Police-Anti-Illegal Drug Section chief, Insp. Richard de Guzman, ang dinakip na si Elsa Umali, 59, may asawa, registered Certified Public Accountant (CPA), at administrative officer 3 sa Lipa City Hall.
Ayon sa report, dakong 11:30 ng gabi isinagawa ang buy-bust operation laban sa suspek ng mga operatiba ng SAID, na pinangasiwaan ni Supt. Barnard Danie V. Dasugo, acting Lipa City Police chief, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-4A.
Batay sa ulat, dinakip ng poseur buyer na si PO3 Ulysses S. Ibarra Jr. si Umali matapos siya nitong bentahan ng dalawang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska naman ni PO1 Fernan T. Pedro mula sa suspek ang dalawang P1,000 na marked money, gayundin ang isang itim na pouch na may heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at ang Cherry Mobile cell phone ng suspek.
Ang kabuuan ng shabu na nasamsam mula kay Umali ay umaabot sa isang gramo. (DANNY J. ESTACIO)