Tinapos na ni Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach ang kanyang matagumpay na homecoming sa Pilipinas at nagbalik na siya kahapon sa Amerika upang tuparin ang kanyang mga tungkulin.

Nangako naman si Wurtzbach, 26, na muling uuwi sa bansa kapag naisingit niya sa ito sa abala niyang schedule.

Inaasahang muling magbabalik-‘Pinas ang Filipino-German beauty queen para sa grand coronation night ng 2016 Binibining Pilipinas beauty pageant sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City sa Abril 17.

Sa Amerika, sinabi ni Wurtzbach na magiging abala siya sa paghahanda para sa kanyang unang hosting gig sa “Inside Edition” bilang special correspondent para sa Super Bowl 50, ang National Football League championship sa Pebrero 7.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ito ang magiging ikalawang appearance niya sa nasabing magazine show. Ang una ay nangyari ilang linggo makaraan siyang koronahan bilang Miss Universe, nang ipasilip niya ang kanyang apartment sa New York na roon siya mananatili sa buong panahon ng kanyang reign.

Isang araw bago bumalik sa New York, tinupad ni Wurtzbach ang pangakong dadalo siya sa kasal ng kanyang matalik na kaibigan, ang actress-TV host na si Pauleen Luna, sa veteran actor-television host na si Vic Sotto.

Si Wurtzbach ang bridesmaid sa nasabing kasalan na idinaos sa St. James The Great Parish Church sa Alabang, Muntinlupa City, nitong Sabado ng gabi.

Personal ding nakadaupang-palad ni Wurtzbach ang isa pang “Eat Bulaga” host na si Maine Mendoza, at sinamantala niya ang pagkakataon upang pasalamatan ang AlDub Nation (fans club ni Mendoza at ng ka-love team na si Alden Richards) na nagkaisang bumoto sa kanya sa 2015 Miss Universe pageant sa Las Vegas, Nevada noong Disyembre 20, 2015.

(Robert R. Requintina)