Hindi pa man nagsisimula ang 2016 PBA Commissioner’s Cup ay nagsimula na ring magpakita ng kanyang dating gawi ang kontrobersiyal na import ng Talk ‘N Text na si Ivan Johnson.

Kahapon ng umaga sa kanilang tune-up match kontra Blackwater sa Moro Lorenzo Gym sa Ateneo campus, nasangkot na naman sa away si Johnson sa big men ng Elite na sina JP Erram at Frank Golla.

Ayon sa mga nakakita ng pangyayari, nagsimula ang gulo nang sabayan ni Erram si Johnson sa tangka nitong lay-up sa fourth period.

Nakatakda umanong sumalaksak si Johnson nang sabayan ito ni Erram at sabay na bumagsak ang dalawa.

Carlos Yulo, sumilip sa live selling ng ina?

Ngunit bago ito ay nagkakainitan na talaga ang dalawa dahil sa pinipisikal ni Erram ang import.

Sa kanilang pagtayo, bigla na lamang sinuntok ni Johnson si Erram na tinamaan sa panga.

Hindi pa doon natapos ang lahat dahil sinuntok din ni Johnson sa dibdib si Golla nang makita nitong papasugod ito sa kanya.

Dito na sila inawat ng kanilang mga kakampi at nagdesisyon na ang mga referees na itigil na ang laro.

Matatandaang naging kontrobersiyal si Johnson ang kunin itong import ng Tropang Texters noong nakaraang taong Commissioner’s Cup matapos banggain si Rain or Shine coach Yeng Guiao, makipagsigawan kay Alaska coach Alex Compton at masangkot sa ilang mga post-game commotion.