Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman (OMB) ang pagsasampa ng kasong graft and corruption sa Sandiganbayan laban sa apat na dating opisyal ng Malabon City dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa payroll padding noong 2013.

Kinilala ng OMB ang apat na sina Edgardo Casimero, dating hepe ng Human Resource and Management Development Department; Magdalena Sebulino, dating book binder; at sina Rosa Vilma de Jesus, at Rosalie Bernardo, kapwa dating administrative officer.

Nahaharap din ang apat sa magkakahiwalay na kaso ng estafa at pamemeke ng mga dokumento.

Sa resolusyon na inaprubahan noong Enero 19, sinabi ng OMB na mula Disyembre 2012 hanggang Enero 2013, umabot sa P1.14 milyon ang sobrang naibayad ng pamahalaang lungsod na sahod para kina Bernardo at De Jesus.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Ayon sa Commission on Audit (CoA), nabayaran ng tig-P570,000 sa payroll nina Bernardo at De Jesus.

Sa kanyang isinumiteng counter affidavit, sinabi ni Casimero na pineke ang kanyang lagda sa ATM payroll at hindi rin niya batid ang password sa Financial Data Entry System (FINDES) ng payroll system ng Malabon City government.

Samantala, inamin ni De Jesus sa kanyang counter affidavit na pinilit lang siya ni Bernardo na sumunod sa plano nito para magdagdagan ng kanilang sahod sa ATM card dahil kaya niya itong gawin.

“Respondents Sebulino, Casimero, Bernardo and De Jesus conspired with one another to tamper and pad the payroll in favor of Bernardo and De Jesus,” pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang reklamo laban kay City Treasurer Amalia Santos dahil sa kakulangan ng ebidensiya. (Jun Ramirez)