NOONG nakaraang Miyerkules nagkaroon ng pagkakataon ang Kongreso na magkaroon ng “quorum” upang tumalima sa utos ng Palasyo na matalakay at maisapinal ang legalidad ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Nitong mga nagdaang buwan, nahihirapan ang Malacañang, kabilang ang mga liderato ng Mababang Kapulungan, na ipatawag ang mahigit 200 mambabatas upang maipasa ang nabanggit na panukala. Maraming hindi dumalo dahil panahon nga ng kampanya, at nanlalamig o umiiwas ipanday ang batas. Batid nila, tutol ang sambayanan sa BBL kaya ayaw din ng mga congressman na mawalis sa darating na halalan. Ngunit, nitong nagdaang linggo ay nabuo ang mailap na quorum, o mahigit sa 50% ng mga kongresista ay himalang sumipot. Ang siste, pinakilos ang limpak-limpak na dolyares ng Malaysia upang umusad ang BBL sa lehislatura. Nabilad tuloy ang pagpapadrino nitong pakialamerong bansa sa panloob na suliranin ng Pilipinas.

Napukaw muli ang katotohanan na ang tunay na ninong sa kaguluhan sa Katimugang Mindanao ay Malaysia dahil na rin sa pag-okupa nila sa Sabah, teriyoryo nating mga Pilipino. Malaysia din ang “tulak” (pusher ba) sa Federal System.

Habang sinusulat ito, sa huling bahagi ng Enero, inaabangan ko ang magiging resulta ng pagdinig sa Senado tungkol sa kaso ng Mamasapano incident na muling pinabuksan ni Senador Juan Ponce Enrile. Tanging si Enrile lang ang may lakas-loob at talinong isampa ito sa hapag ng Mataas na Kapulungan.

Tulad ng mga dating nailathala natin sa espasyong ito, halimbawa, kung bakit lumipad sa Mindanao ang Pangulo? Bakit kasama niya ang Katihan ng Amerikano? Kumain pa ng Mcdo na imported sa ‘Tate’? At nag-utos ng “stand-down” sa gitna ng bakbakan para iwas peligro ang peace-talks sa MILF? At marami pang iba.

Sa Enero 27 isisiwalat ni Manong Juan na may direktang kinalaman si Pangulong Noynoy sa kapalpakan at pagkamatay ng SAF44. Maglalabas siguro ng ebidensiya si Enrile na magpapatunay na si PNoy ang siyang nagsilbing “ground commander”? Dahil ba sa kanyang paggayak ng “Rambo” dahil nahilig maglaro ng baril-barilan at gerahan sa computer?

Sa gagawing imbestigasyon, sana ay makamit ang buong hustisya ng SAF, makamit ang katotohanan, madiskaril ang kahibangan sa BBL, magkalaglagan at mapanagot ang dapat managot sa “Tuwid Na Daan”! (ERIK ESPINA)