Isang lalaki ang nasawi matapos masagasaan ng isang tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Pandacan, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, na tinatayang nasa edad 50 pataas, marusing, nakasuot ng puting T-shirt at asul na shorts.

Sa ulat ni PO1 James Dabay, ng Manila Police District (MPD) Station 10, dakong 5:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Beata, Pandacan, Manila.

Ayon sa mga saksi, Linggo pa lang ng gabi ay nakaupo na sa riles ng tren ang biktima at sa kabila ng paalala ng mga residente at mga guwardiya, ay nagagalit pa umano ito at ayaw umalis sa lugar.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

Pagsapit umano ng madaling araw at paparating na ang tren na galing sa Tutuban patungong Alabang, nang bigla na lang tumawid ang biktima sa riles.

Hindi naman umano kaagad nakita ng operator ng tren ang biktima dahil madilim pa, kaya nasagasaan ito, nakaladkad at nagkalasug-lasog.

Ang bangkay ng biktima ay nasa pangangalaga ng La Funeraria Rey. (Mary Ann Santiago)