Ang muling pagbubukas ng Senado sa imbestigasyon sa pagkamatay ng 44 na police commando sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang taon ay higit na magpapalabo sa tsansang maipasa ng Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) bago bumaba sa puwesto si Pangulong Aquino sa Hunyo, ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Sinabi ni Belmonte na ang desisyong muling isagawa ang mga pagdinig sa kaso ng Mamasapano sa susunod na linggo ay maaaring maging “fatal” para sa panukala, dahil limitado na ang mga araw ng sesyon ng Kongreso para maipasa pa ito.

“At the very least, it might delay consideration by the Senate plenary, and that could be fatal to the bill given the time constraint,” sinabi ni Belmonte sa isang panayam.

Aniya, mahalagang magkaroon ng caucus ang lahat ng partido upang makakuha ng sapat na suporta para maipasa na ang BBL ngayong 16th Congress.

National

Grupo ng simbahan, suportado panawagang imbestigahan ng ICC ang War on Drugs: 'Let justice be served'

Tiniyak pa ni Belmonte na gagawin ng pamunuan ng Kamara ang lahat ng makakaya nito upang matugunan ang problema sa pagkakaroon ng quorum sa plenary.

Una nang nanindigan sina Belmonte at Senate President Franklin Drilon na hindi pa tuluyang naglalaho ang pag-asa ng BBL ngayong 16th Congress.

Magpapatuloy ang sesyon sa Kongreso ngayong Lunes, Enero 18, at matatapos sa Pebrero 5, upang magbigay-daan sa panahon ng pangangampanya.

Samantala, naniniwala naman si 1-BAP Party-list Rep. Silvestre Bello III, na nagsilbing Justice Secretary sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, na ang kahihinatnan ng BBL ay nakadepende sa magiging resulta ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano carnage.

“Unless the President does something immoral, the passage of BBL is almost impossible,” ani Bello.

(Charissa M. Luci)