HALATANG nagpigil si Alden Richards na maiyak sa pagbibigay ng messages ng Dabarkads sa celebration ng kanyang 24th birthday sa Eat Bulaga noong Sabado, January 2.

May kurot sa puso ang message ni Allan K na, “Kapag naubos na ang araw ng kalendaryo mo, narito pa rin kami ng Dabarkads na susuporta sa iyo.”

Pinatawa naman siya ni Sen. Tito Sotto na dapat daw ang gumagawa naman ng schedule ni Alden, bigyan siya ng free days para hindi sunud-sunod ang trabaho niya. Sinagot ni Alden si Tito Sen, na kayang-kaya pa naman niya. Wish din ni Tito Sen na maging ‘sila na’ ng ‘napakagandang babaeng malikot ang mukha’.

Bumilib naman kami sa Aldenatics at AlDub Nation fans nila ni Maine Mendoza na may nanggaling pa ng Maryland, USA para makapanood ng My Bebe Love at magpa-block screening hanggang maka-attend ng birthday ni Alden.

Tsika at Intriga

Mark Andrew Yulo, naniniwalang babalik sa kanila ang anak na si Carlos

May mga lumuwas din ng Manila from different provinces in the Philippines para makasama siya. Lahat sila ay nagpahayag ng suporta sa lahat ng mga gagawin niya, nila ni Maine.

Nang magbukas ang kalyeserye, malungkot si Alden dahil hindi alam ng tatlong lola kung nasaan si Yaya Dub. Makita lamang daw niya si Yaya sa birthday niya ay masaya na siya, pero nasaan nga ba si Yaya? Pumunta ng Broadway studio ang mga lola para maki-celebrate sa birthday ni Alden at doon na tinawag ni Lola Nidora (Wally Bayola) na ‘manugang’ si Alden, na ikinatuwa ng binata. Nandoon na pala sa studio si Yaya at sinorpresa si Alden na for the first time ay kumanta nang live ng favorite song niya for Alden, ang The Closer I Get To You. Pinagpawisan at nanlamig ang mga kamay ni Maine. Humingi ng pahintulot si Alden kay Lola Nidora na makahalik na siya kay Yaya, tutal naman daw ay birthday niya. Pinayagan siya ni Lola, pero nagpaka-gentleman pa rin si Alden at sa kamay lamang humalik kay Maine.

Sinorpresa rin ni Yaya Dub si Alden sa pagbe-bake niya ng birthday cake which she taped pagkatapos niyang sumali sa “Bulagaan 2016” noong January 1.

Dumalaw din sa show ang dating teachers at classmates ni Alden na nagbuking kung sino si Alden noong estudyante pa siya. Pero ang isa pang sorpresa kay Alden ay nang sabihin ni Lola Nidora na mabubuo ang birthday celebration ni Alden kung maipakikila na niya nang personal sa kanya ang magiging balae nito, ang daddy niya, si Richard Faulkerson, Sr. at ipakilala na rin niya nang personal sa daddy niya si Maine.

Hindi alam ni Alden na naroon sa studio ang daddy niya na pumasok na kumakanta ng Ngiti at pagkatapos ay nag-duet silang mag-ama. Naipakilala na rin ni Alden ang halatang nahihiyang si Maine.

Hindi na nakatiis si Alden, umamin nang nagpipigil lang siyang umiyak sa tuwa, nang magpasalamat sa lahat ng mga nag-isip ng celebration na iyon. First time daw niyang nag-celebrate ng birthday na ganoon ka-special. Nagpasalamat siya sa lahat ng mga sumuporta sa kanya, sa GMA Network, kay Mr. Tony Tuviera, Bossing Vic Sotto sa pagbibigay sa kanila ni Maine ng My Bebe Love, sa fans, pero ang lalong nakapagpaiyak kay Alden ay ang pasasalamat niya sa ina:

“Mommy, hindi mangyayari ito kung hindi sa iyo, kaya kahit nasaan ka ngayon, para sa iyo ang lahat ng ito.”

(NORA CALDERON)