Ni ANGIE OREDO

Hindi pa man natatapos ang taon ay puwersado na agad ang Philippine Super Liga (PSL) na buuin ang isang Super Volley Team na isasabak nito sa nag-iimbita na Thailand Super League na parte lamang sa punong-puno ng aktibidad nito na kalendaryo nito sa 2016.

Ipinamahagi ni PSL Administrator Ariel Paredes ang buong programa ng natatanging liga para sa mga club volleyball team sa bansa kung saan anim na local na torneo ang isasagawa at dalawang internasyonal ang sasalihan sa unang pagkakataon ng pangunahing liga ng volleyball.

Sisimulan ng Philippine Superliga ang 2016 Calendar nito sa Annual Players Draft Pool Application at Profiling mula Enero hanggang Mayo para sa mga baguhang manlalaro na nagnanais makabilang sa mga koponan at paghahanda na rin para sa mga itinakda nitong opisyal na torneo.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Gayunman, agad na masusubok ang husay at talento ng mga homegrown talent sa pagsasagawa sa pinakaunang torneo na PSL Invitationals kung saan ilang koponang nagnanais maging miyembro ang sasabak kontra sa regular na mga koponan na lalahukan din ng mga imbitadong dayuhang grupo simula Pebrero 12 hanggang Marso 13.

“There are a lot of teams trying to test the waters and the kind and competition level we had in PSL,” sabi lamang ni PSL President Ramon “Tats” Suzara. “Some teams are supported by their local government units while some are big companies. We will announce them soon once we finalized their membership,” sabi nito.

Ilan sa nagpahayag na ng kanilang pagnanais na sumali sa PSL Invitationals ay ang City of Malolos at ang Cavite Patriots bagaman kapwa hindi pa nagpapahayag ng kanilang pagsali sa pormal na pagsali sa liga.

Agad na lalahok ang PSL sa internasyonal na torneo sa Marso 23 hanggang 29 sa Thailand Super League kung saan bubuuin ng liga ang isang All Star squad na siya nitong isasabak kontra sa limang koponan mula sa host at isa mula sa Indonesia.

Susundan ito ng apat na leg na gagawin kada week-end na Beach Volleyball Challenge Series simula sa Mayo 7 bago ang pinakaaabangan na 2016 Draft Players Pool and Presentation to Media sa Mayo 20 kung saan nakatuon ang lahat kung sasali ang popular na si Alyssa Valdez.

Isasagawa simula Hunyo 11 hanggang Hulyo 30 ang 2016 All Filipino Conference bago ito sundan ng Champions League sa Agosto 19 hanggang 21 na katatampukan ng mga kampeon sa iba’t-ibang liga sa bansa kabilang ang mga nasa probinsiya kontra sa kampeon sa UAAP at NCAA.

Irerepresenta naman ng 2015 PSL Grand Prix champion Foton Tornadoes ang Pilipinas sa isasagawa sa bansa na Setyembre 3 hanggang 11 na Asian Women’s Club Championship na gaganapin mismo sa Manila kontra sa mga powerhouse na koponan mula China, Korea, Japan, Iran, Kazakhstan at karibal na Thailand at Vietnam.

Maglilibot din ito simula Setyembre 16 hanggang 25 para sa PSL West Coast Road Tour (Bring It Promotion Project) bago ang pinakahuli at pinakatampok nitong torneo na PSL Grand Prix na gaganapin simula Oktubre 8 hanggang Disyembre 4 sa nakatakdang ihayag nitong bagong bahay.