DAVAO CITY – Iniulat ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umabot sa P246.12 milyon ang nalugi sa mga negosyo sa rehiyon, partikular na ang mga construction company, dahil sa mga pagsalakay at pangingikil ng New People’s Army (NPA) sa lugar noong 2015.

Batay sa pahayag sa media rito, sinabi ni Captain Alberto Caber, chief information officer ng EastMinCom, na ang mga lugi ay tinaya sa P34.71 milyon sa unang tatlong buwan ng 2015; P34.58 milyon sa second quarter; P92.72 milyon sa third quarter; at P84.11 milyon sa nakalipas na tatlong buwan.

Sa kaparehong pahayag, sinabi ni EastMinCom commander Major General Rey Leonardo Guerrero na hindi lamang ang pagpapabuti at pagkakaloob ng mahahalagang serbisyo ang apektado sa panggugulo ng NPA kundi nagdulot din ito ng pagdurusa sa mga manggagawa na naapektuhan ang trabaho.

“Kung seryoso ang CPP/NPA/NDF sa kapayapan at pagtataguod ng kapakanan ng mamamayan, dapat na nitong itigil ang mga pag-atake sa mga development project at mga lehitimong negosyo, na nagkakaloob ng hanapbuhay sa mga tao,” ani Guerrero.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Dahil dito, sinabi ni Caber na pinaigting ng militar ang seguridad sa mahahalagang industriya, proyekto, at establisimyento sa Eastern Mindanao, kasabay ng muling pagpapaalala sa mga negosyante na iulat sa awtoridad ang pangingikil ng NPA. (Alexander D. Lopez)