Nakasamsam muli ng mga kontrabando sa mga selda sa quadrants 1 at 2 sa maximum security compound sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa ikasampung “Oplan Galugad†ng Bureau of Corrections (BuCor), nitong Miyerkules ng umaga.
Dakong 6:00 ng umaga nang pasukin at suyurin ng mga tauhan ni BuCor ang kubol ng convicted carjack gang leader na si Raymond Dominguez na nasa Building 1 sa quadrant 1 na unang nabigla sa pagsalakay ng awtoridad, at narekober dito ang drug paraphernalia, isang bagong higaan at sobrang appliances kasama na ang air-conditioning unit na itinago pa sa likod ng painting.
Ang ilang kubol sa nasabing gusali ay nakumpiskahan din ng iba’t ibang uri ng appliances at cell phone.
Hindi rin pinaligtas ang Building 4 sa quadrant 2 at nakumpiska roon ang walong cellphone, 10 patalim, tatlong aquarium at P30,000 mula sa pag-iingat ng isang bilanggo roon.
Sari-saring appliances, tulad ng electric fan, telebisyon, air-conditioning unit, DVD player, speakers, generator, mga manok at sisiw, apat na mamahaling relo (Class A) at iba pa ang nasamsam ng awtoridad.
Nadiskubre rin sa isang kubol ang ‘tila hardware sa dami ng construction materials at ilang bakal.
Ayon kay BuCor Director Retired Lt. General Ricardo Rainier Cruz III, nasa walo sa maximum security compound at dalawa sa medium security camp ang kanila nang nahalughog simula pa noong Nobyembre hanggang sa kasalukuyang taon.
Iginiit ni Cruz na mas kaunti na ang nakuha nilang kontrabando ngayon kaysa noong huli nilang pagsalakay sa mga kubol at selda ng mga inmate preso.
Tiniyak pa ni Cruz na paiigtingin ng NBP ang ikinakasang operasyon upang siguruhing mauubos ang ilegal na kontrabando sa NBP. (Bella Gamotea)